Advertisers
HINDI maitatanggi na ang katagang “bayanihan” ay nagmula sa ugat na salitang “bayan,” na nangangahulugang komunidad o pamayanan.
Ngunit higit pa sa pagiging bahagi ng isang lugar, ang bayanihan ay isang pagkilos ng sama-samang pagtutulungan upang maabot ang isang layunin, lalo na sa panahon ng pangangailangan o sakuna. Ito ang espiritu ng pagkakaisa na matagal nang nakaugat sa kultura ng mga Pilipino—isang diwa na sumasalamin sa malasakit, pagmamahal sa kapwa, at walang pag-iimbot na pagtulong.
Sa mga panahon ng kalamidad tulad ng bagyo, lindol, o pandemya, laging lumalabas ang diwa ng bayanihan. Mula sa mga kapitbahay na nagtutulungan upang itayo muli ang mga nasirang tahanan, hanggang sa mga ordinaryong Pinoy na nagbibigay ng donasyon para sa mga nasalanta, makikita ang hindi matatawarang lakas ng pagkakaisa.
Ang bawat maliit na ambag, kapag pinagsama-sama, ay nagiging malaking tulong sa mga nangangailangan.
Hindi lamang sa panahon ng sakuna umiiral ang bayanihan. Sa araw-araw, ito’y makikita sa mga simpleng kilos ng malasakit—tulad ng pagtulong sa isang matanda na tumawid sa kalsada, pagbibigay ng pagkain sa nagugutom, o pakikiisa sa mga proyekto ng pamayanan.
Sa gitna naman ng sunod-sunod na bagyong tumama sa Pilipinas, muling napatunayan ang hindi matitinag na diwa ng bayanihan ng mga Pinoy. Ang mga sakuna ay nagdala ng matinding pinsala sa mga tahanan, ari-arian, at kabuhayan, ngunit sa kabila ng lahat ng ito, umusbong ang malasakit at pagtutulungan na siyang ugat ng ating pagkakaisa bilang isang bansa.
Sa kanyang pagbisita sa Pangasinan, muling pinuri ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang ipinamalas na pagkakapit-bisig ng bawat Pilipino sa harap ng unos. Sa kabila ng sakit at pangungulila, ang bawat kamay na tumulong at ang bawat pusong nagmalasakit ay naging patunay na hindi nag-iisa ang sinuman sa oras ng pagsubok.
Bilang parte ng kanyang pangako, namahagi si PBBM ng P50 milyon na tulong pinansyal sa mga apektadong magsasaka at mangingisda. Nasa 5,000 pamilya ang nakatanggap ng ?10,000 bawat isa—isang makabuluhang hakbang upang maibalik ang kanilang kabuhayan at dignidad.
Hindi rin nakalimutang pasalamatan ng Pangulo ang mga unang tumugon sa pangangailangan ng kanilang mga kababayan. Ang mga ahensya, lokal na pamahalaan, organisasyon, at indibidwal na nagbigay ng kanilang serbisyo ay binigyang-pugay din. Higit sa lahat, taos-pusong pinasalamatan ng Chief Executive ang mga first responders na isinakripisyo ang kanilang sariling kaligtasan upang masiguro ang kapakanan ng iba.
Malinaw ang direktiba ng Presidente na dapat mabilis at maayos ang rehabilitasyon sa mga komunidad na sinalanta ng bagyo.
Sa pagtutulungan ng gobyerno at bawat mamamayan, walang hamon ang hindi malalagpasan.
Aba’y masasabi rin na ang bayanihan ay isang paalala na kahit sa simpleng paraan, may kakayahan tayong gawing mas magaan ang buhay ng iba.
Gayunman, ang ganitong hakbang ay hindi lamang tungkol sa pisikal na pagtulong. Ito rin ay may kinalaman sa pagbibigay ng suporta, pagdamay, at inspirasyon.
Sa modernong panahon, nagiging mas malawak ang anyo ng bayanihan.
Sa tulong ng teknolohiya, mas mabilis at mas malayo na ang nararating ng tulong.
Nariyan ang mga social media campaigns at online fundraising na patunay na kahit nasa magkakaibang lugar, kayang magkaisa ng mga Pilipino para sa isang layunin.
Nawa’y patuloy nating buhayin ang diwa ng bayanihan, hindi lamang sa panahon ng sakuna kundi sa araw-araw nating pamumuhay.
Sabi nga, sa pagtutulungan, ang bawat problema ay kayang lampasan, at ang bawat pangarap ay kayang abutin.
***
Catch Gilbert Perdez’s “Barangay 882” radio show every Saturday from 4:00 PM to 5:00 PM. Tune in via ALIW Channel 23, DWIZ AM Radio, DWIZ 882 Facebook page, or DWIZ ON-DEMAND on YouTube. You can contact him via email at gil.playwright@gmail.com or through this number: 0991-3543676.