Advertisers

Advertisers

‘Yang mga kontrabida at sumisira ng mga likas na yaman ng Pilipinas

0 21

Advertisers

TOTOONG may mga mabubuting pakinabang ang pagmimina (mining) pero sa kalahatan bukod sa pakinabang ay may mga masasamang epekto ito.

Ang pagbubungkal ng lupa upang makuha ang mahahalagang mineral, metal karbon, ginto, ore, at mga bukal ng natural gas, langis, petrolyo at iba pa na ginagamit sa siyensiya at mga industriya ay mga mabuting pakinabang ng minahan.

Pero, ano-ano naman ang masasamang epekto ng pagmimina?



Kamatayan sa mga minero sanhi ng pagguho sa malalalim na hukay at tunnel na pinagkukuhanan ng mineral at iba pa sa ilalim ng lupa o sa ilalim ng dagat.

Pagkawasak ng likas na yaman tulad ng kagubatan, bundok at pagkamatay ng mga maiilap na hayop at katutubong halaman.

Marami nang ilog at dagat ang namatay sa polusyon at kontaminasyon bunga ng kemikal na ginagamit sa pagmimina at ang pagsingaw ng karbon at ng mga nakalalasong usok na sumisira sa atmospera — ang dulot ay peligro sa buhay ng tao at ng mga hayop at iba pa.

Kung may mabubuting pakinabang ang pagmimina, may malaking negatibong epekto ito, tulad nabanggit na (1) pagguho o pagkatibag ng lupa at mga bato; (2) malalaking butas o sinkholes; (3) polusyon sa tubig at hangin; (4) pagkawasak at pagkaubos ng mga puno, pagkawala ng mga likas na maiilap na hayop sa tubig at sa kagubatan; (5) pagkawasak ng likas na buhay ng maiilap at likas na galaw ng buhay sa ekosistema; (6) pagkasira ng mga bukal ng tubig sa ilalim ng lupa at: (7) pagkalason ng lupa.

Mas matindi ang epekto nito sa populasyon, kabuhayan at aktibidad ng populasyon sa lugar ng minahan.



Matapos makuha ang mineral at iba pang kailangan sa winasak na likas-yaman, naiiwang nakatiwangwang ang lupa, patuloy ang perwisyo ng polusyon, kamatayan sa buhay ng tao, ng hayop at ng kapiligiran.

Hindi na maiinom ang tubig sa bigat ng polusyon — wala nang isda at yamang tubig na likas na mapagkukuhanan ng pagkain ng mga tao: kahirapan, kamatayan ang epektong iiwan ng minahan habang kamal-kamal na salapi ang iuuwi ng mga kompanya at ng gobyerno pumayag wasakin ang kapaligiran.
***
Kung ititigil ang pagmimina, paano ang kinikitang bilyon-bilyong dolyar ng gobyerno at ng pribadong kompanya ng minahan?

Paano matutustusan ang kailangang materyal, mineral, langis, natural gas, ore, karbon, ore, at iba pang bakal para mapatakbo ang industriya, negosyo at ekonomya?

Magkaagaw sa pakinabang at perwisyo ang minahan, at kailangan ang matibay na pagtitimbang ng gobyerno.

Marami na tayong batas at regulasyon upang mabawasan at mapahina ang masasamang epekto ng minahan.

May mga disenyo nang ginawa ang mga inhinyero, mahuhusay na impraestruktura at matitibay na pagtatayo, paghuhukay at impraestruktura upang mabawasan ang panganib sa buhay at ari-arian.

Kailangan magdisenyo at gumawa ng aksyong mag-iingat sa buhay at ari-arian at kung paano mgagawang di makapipinsala ang pagtatapon ng mga basurang lason at kemikal ng minahan .

Bago iwan ng mga kompanya ng minahan ang binungkal na lupa at kagubatan, mag-iwan sila ng mga trabahador na maglilinis ng polusyon at basura.

Magtanim ng mga puno, maglagay ng water treatment plant sa paglinis ng tubig at magtayo ng ospital o agad-agad na atensiyon at serbisyong medikal sa populasyon na maaapektuhan ng polusyon at kontaminasyon ng tubig at hangin.

At pagrebisa sa mga batas ng pagmimina at pagpapalakas sa mga ahensiya ng gobyerno na magpapatupad ng batas kontra sa pagwasak ng likas yaman ng kapiligiran.

Kailangan na ang mabibigat na parusa sa mga traydor/kontrabida at sumisira ng likas yaman ng bansa.
***
Lahat ng magaganda na ginagawa ngayon ni Presidente Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. ay ating suportahan… purihin natin ang magaganda, ang masasama, ating kondenahin, ating usigin, tama po ba?

Sa huli ating suriin dear readers, ano ang pinakamamahalagang nagawa at ginagawa ng ating pamahalaan para sa kabutihan ng bansa, at ano ba ang mabubuting bunga at pakinabang sa bayan ng mga proyektong mula sa bulsa ng tax payers/mamamayan?

Kaya kung ang isang programa o proyekto ay tumatama sa kaginhawahaan, sa kapakinabangan ng tao, yun ay dapat nating purihin at suportahan.

Kaya sa mga masugid kong tagasubay, ngayon na ang panahon para wakasan ang mga maruming politika na siyang bunga ng kahirapan ng Pinoy at kung bakit tayo ay napag iwanan ng ibang kalapit nating mga bansa.

Sa huli ay iisa pa rin ang kuwento: korapsiyon, kahirapan, kagutuman, matitinding pagsubok sa buhay.

Tama na ang mga away, laitan, batikusan, etc: Ibahin natin, gawin nating mabuti, maginhawa at masaya ang kuwento ng bawat pamilyang Pilipino.
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa bampurisima@yahoo.com.