Advertisers
Ni Archie Liao
ANG pakiwari ng ilang baguhan ay ‘mataray’ at terror ang multi-awarded director na si Joel Lamangan.
Katunayan, karamihan sa kanila ay kabado na makatrabaho ang actor’s director dahil takot silang matalakan ni Direk Joel.
Hindi naman ikinakaila ni Direk Joel na minsan ay naiimbiyerna siya kapag ang isang artista ay nagre-report sa set na hindi handa o syusyunga-syunga.
Sa “Unconditional”, nagbabalik si Direk Joel sa pag-arte sa big screen kung saan may importante siyang role.
Natanong namin kay Direk Adolfo Alix, Jr. kung intimidated ba siyang idirek si Direk Joel.
Ani Direk Adolf, hindi raw naman siya intimidated sa halip ay excited na makatrabaho si Direk Joel bilang artista.
Pagbibida pa niya, si Direk Joel daw ang nagbigay sa kanya noon ng break sa pagsusulat bago pa siya naging direktor.
Dagdag pa niya, maganda raw ang papel sa pelikula ni Direk Joel na ipinoprodyus ng BR Film Productions ni Brandon Ramirez.
Sey naman ni Direk Joel, behaved daw siya at hindi nakikialam sa direktor kapag aktor lang siya.
“Kapag artista ako, artista lang ako. Naniniwala ako sa sinasabi ng direktor dahil gusto kong respetuhin ang perspektiba niya tungkol doon sa gusto niyang gawin. Pag artista ako, artista lang ako kasi nag-umpisa naman akong artista bago naging direktor,” paliwanag ni Direk Joel.
Nahingan din namin siya ng reaksyon kung siya ba ang tipo ng taong wagas magmahal tulad ng major characters sa pelikula.
“Oo. lahat binigay ko, pati ang aking puri, naibigay ko nang lahat. At di ako nagsisisi dahil mahal ko. Kapag mahal mo ang isang tao, anuman ang ginawa mo, di mo pagsisisihan dahil mahal mo. Pag pinagsisisihan mo, ibig sabihin may bahagi ng pagkatao mo na di nagmamahal sa kanya. Kung may mga pagkakamali, puwede mo namang pagbigyan.Puwede mo namang unawain dahil mahal mo, ” esplika niya.
Ang movie ay pinagbibidahan nina Rhian Ramos at Allen Dizon.
Tampok din sa cast sina Elizabeth Oropesa, Lotlot de Leon, Paolo Gumabao, Rico Barrera, Brandon Ramirez at Nil Nodalo.
***
MTRCB binigyan ng angkop na klasipikasyon ang mga pelikula sa huling linggo ng
Nobyembre
INILABAS na ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang mga bagong pelikula na nakatanggap ng angkop na klasipikasyon ngayong huling linggo ng Nobyembre.
Ang “Moana 2” ng Disney ay rated G para sa lahat ng manonood.
Ang Filipina singer at aktres na si Belle Mariano ang kumanta ng Tagalog na bersyon ng “Beyond” o “Anong Daratnan,” isang special end-credit na musika para lamang sa Pilipinas.
Rated PG naman ang “Huwag Mo ‘Kong Iwan” na pinagbibidahan nina Rhian Ramos, JC De Vera at Tom Rodriguez, at “Idol: The April Boy Regino Story,” na tungkol sa buhay ng kilalang mang-aawit na si April Boy Regino na nagpasikat ng mga kantang “Hindi Ko Kayang Tanggapin” at “Umiiyak ang Puso.”
PG rin ang klasipikasyon ng “The Quintessential Quintuplets Specials 2” na mula Japan; “Here” mula Pioneer Films, at “Baekhyun: Lonsdaleite” na isang concert movie tungkol sa kilalang K-pop superstar na si Baekhyun.
Dahil sa tema at lengguwahe ng mga nasabing pelikula, kailangan kasama ang magulang or nakatatanda ang mga batang edad 12 at pababa sa loob ng siinehan.
Rated R-16 o Restricted-16 naman ang “Shutter” mula Thailand. Ibig sabihin, ito ay para lamang sa mga edad 16 at pataas dahil sa tema, lenggwahe at karahasan.
Patuloy naman ang paalala ni MTRCB Chairperson and CEO Lala Sotto-Antonio sa mga magulang at nakatatanda na gabayan ang mga batang manonood sa tamang interpretasyon ng mga eksena sa pelikula.