Advertisers
Ni Archie Liao
HINDI inaalis ni Rhian Ramos ang posibilidad na ma-in love siya sa isang transman.
Sa pinakabago kasi niyang proyekto under BR Film Productions, papel ng isang babaeng nagmahal sa isang transman ang kanyang gagampanan.
“Wala namang pinipili ang puso in the sense na love has no gender,” paliwanag niya. “When you fall for a person, it’s always a surprise. So, although I’m straight and identified as straight, everything could be possible. It’s something na hindi mo plinano. So, hindi malabong mangyari na ma-in love ako, either sa babae o sa transman,” dugtong niya.
Gayunpaman, nilinaw niya na masaya naman siya sa estado ng kanyang love life sa kasalukuyan.
“Happy ako sa relationship ko so far. Kung ibabase ko sa experience ko at sa track record ko, siyempre, sa ngayon, si Sam (Verzosa) iyong inspirasyon ko,” paliwanag niya.
Nilinaw din niya na never pa siyang niligawan ng lesbiyana na ikinawindang ng marami.
“Wala pa talagang nanliligaw sa akin, siyempre, may pagka-old fashioned pa rin ako, kailangan pa ring ligawan,” bulalas niya.
Katunayan, kahit daw indecent proposal ay wala siyang natanggap sa entire career niya sa showbiz.
Tinatawanan din niya ang napabalitang tsikang niligawan siya ng kaibigang si Michelle Dee na umamin noon na isang bisexual.
Hirit niya, fake news daw ang nasabing alingasngas.
Naniniwala naman si Rhian na iba-iba ang ekspresyon ng mga tao pagdating sa pagmamahal.
Merong mga taong nagmamahal nang lubos-lubos na wala nang itinitira para sa sarili.
Iyong iba naman daw ay may kaakibat na kundisyon.
“Wala namang masama kung magmahal ka nang todo-todo. Ang importante, dapat magtira ka rin para sa sarili mo. Siyempre, sa commitment, kasama sa mga pinagkakasunduan ninyo ay iyong time ninyo for each other, so, there’s nothing wrong to impose conditions, otherwise, bakit pa naging tayo kung hindi mame-meet iyong mga ganoong kundisyon,” esplika niya.
Nagbigay din siya ng take tungkol sa unconditional love.
“Ang tunay na unconditional love ay makukuha natin sa parents natin. May mga romantic love na unconditional love siya sa ibang bagay pero at the end of the day may conditions tayo sa mga romantic partner natin. Naniniwala talaga ako na love —especially romantic love — is transactional and conditional to an extent,” hirit niya.
Sa pelikula, kabituin ni Rhian ang multi-awarded actor na si Allen Dizon na bibigyang buhay ang papel ng isang transman.
Mula sa direksyon ni Adolfo Alix, Jr. at iskrip ni Jerry Gracio, kasama rin sa pelikula sina Elizabeth Oropesa, Lotlot de Leon, Paolo Gumabao, Rico Barrera, Joel Lamangan, at TransMan Pilipinas founder at CEO na si Nil Nodalo.
Magsisimula ang shoot ng pelikula ngayong Disyembre.