Advertisers
Papalapit na ang panahon sa pormal na pagpapakilala ng mga umaasang magiging senador ng bansa sa halalan sa ’25. Sa likod ng mga usapin sa impeachment ni Inday Siba, walang pagkilos ang Komisyon ng Halalan sa pagpapabatid sa madla ang mga nag-aasam na maging senador o maging ang mga Party List na nagbabakasakaling makakuha ng kinatawan sa kongreso. Sa kawalan ng kilos ng Komisyon, masasabing malaki ang hahabulin ng mga kandidatong kapos sa pantustos sa pagpapakilala at pagpapaalam sa tao sa laylayan sa ibig na serbisyong bitbit. Sa pagpapakilala pa lang, balakid ang kawalan ng pondo upang maikot ang bansa. Tunay na nariyan ang social media, ngunit ito’y hindi sapat upang mapaabot kalidad sa mga botante higit ang platapormang bitbit ng kandidato. Hindi sapat ang paglulunsad ng kandidatura sa social media higit kung limitado ang trolls at balatkayong asal ang ipamamalas sa mga mang hahalal.
Sa totoo lang, mahalaga sa hanay ng Komisyon na ipabatid sa Pinoy kung sino – sino ang pinahintulutang tumakbo sa halalan sa senado at party list. Ang kahalagahan ng pagpapabatid ng maaga’y sa mga pinahintulutan ang bahagi ng pagtuturo sa mga botante na mapag-aralan kung sino ang dapat at karapat dapat sa pinag-aagawang upuan sa pamahalaan. Mainam na galing sa Komisyon ang pagbibigay ng magandang punto sa pagpili ng mga kakatawang sa bayan. Siyempre, kalakip ang kakayanan ng kandidato na magsulong ng batas na may pakinabang ang bayan. Ang paglalathala ng ngalan maging ng mga kagalingan ng mga kandidato ang ambag ng Komisyon na mapapakinabangan ng bayan sa mahabang panahon. Sa totoo lang, papanahon sa maagap na pagkilos ng Komisyon sa pagmumulat sa bayan ng kahalagahan ng mga kandidatong may kakayanang magsulong ng may pakinabangan na batas sa kinabukasan.
Ang pagtatasa ng mga kakayanan ng mga tumatakbo sa halalan ang dapat na inaalam ng komisyon at ‘di lang ang kakayanang maglunsad ng kampanya sa buong kapuluan. Ang ayudang pagpapakilala sa mga tumatakbo’y ayuda para sa kapakinabangan ng bansa higit ng tao sa laylayan na umaasa sa matinong serbisyong bayan. Higit na masakit sa mata ang walang galing na ipinamamalas ng mga nahalal na kinatawang bayan sa senado na ‘di makapagtanong na may lalim sa mga pag-uusisang ginawa. Karaniwan ang pagkakaroon ng oryentasyon ang mga nagsisi-upong senador sa mga takdang asal sa tahanang pinaglilingkuran. Subalit o tila nasisiyahan ang mga ibig maging senador dahil sa kilos ng mga kasalukuyang senador na mahusay sa pang-aasar ngunit baluktot ang katuwiran. At nariyan ang senador na palalantak sa pagkain gayung walang kwentang laman ang tanong sa mga panauhing nakasalang sa pag-usapan. Paano ang kinabukasan ni Mang Juan?
Ang pag-ibig na mabatid ng bayan kung sino – sino ang tatakbo sa halalan ’25 para sa senado’y uri ng ayuda dahil ibig ipabatid ang halaga ng halalan. Ang kaganapan ng salang kilos ng senado ay nakakabahala para sa bansa higit batas ang usapin ang tinatalakay na tuwiran ang tama sa bayan. Sa usapin ng kagalingan ng bayan, walang batong hindi dapat galawin higit ang buwis ng mamamayan ang gamit sa pagpapasahod sa mga kinatawang bayan na bangit. Hindi masikmura ni Mang Juan kung paano ang asta ng ilang senador na tila isinuko ang kasarinlan ng tangapan sa maling pagkiling sa may salang panauhin.
Ang maliit na kahilingan ng paglalathala ng mga kandidato para sa senado’y hakbang upang mapag-aralan ng mga manghahalal ang mga karapat dapat sa pwestong babasbasan. Ang maliit na haling ay ‘di masusukat ang pakinabang kung ang uri ng mga mambabatas na tatangan sa senado’y utak at puso. Ang uri ng mga batas na isusulong higit sa kapakinabangan ng nakakarami ang aanihin sa maliit na kahilingan higit sa kasalukuyang panahon na mataas ang kompetisyon sa mundo. Ang lider na may utak at puso sa bayan ang hakbang para sa maunlad na bayan sa kinabukasan. Sa pagbaba ng kalidad ng lider sa bansa’y tila kalakaran na naglulubog kay Mang Juan sa ganap na kahirapan. Ang mapipiling mga senador o lider sa ’25, maaring pagkunan ng magiging puno ng bansa sa susunod na halalan. Panahon na isalang ang isang malinis na halalan higit sa pagpili ng kakatawan sa pakinabang ng bayan.
Sa panahon ng makabagong diskarte sa pagdadaos ng halalan ang siyang gawin ng COMELEC ng ‘di maulit ang pagsisi sa salang pagpili ng kinatawang bayan. O’ sadyang nagbabago ang panahon na ang dating inaasahan na magsusulong ng maayos na batas ng bayan ang tunguhan ng mga latak at walang pakinabang na mga tao na ang tawag ay senador. Nais ba ng Komisyon na magtuloy tuloy ang kaayusang bangit. O’ mainam na maghasik ng punla ng pakinabang sa bayan ng maiwasan ang sakit na nakamit sa mga walang puso na kinatawang bayan. At kung nais na magpatuloy ang kawalang pag-asa, mainam na pag-isahin ang kongreso ng maisantabi ang mangmang na walang pakinabang.
Sa totoo lang, naniniwala na dapat nariyan ang dalawang kapulungan para sa pagiging balanse ng paggawa ng batas ng bayan. Subalit sa uri ng mga kinatawang bayan at mga nag-aambisyon sa halalan sa ’25 ang balanse’y sa isip na lang dahil ang isusulong na batas ay butas. Pansin sa uri ng mga kumakandidato sa ’25 higit ang mga may pagkakataong magwagi, karaniwan ang walang angking galing na sinasangkalan ang kasikatan. At tila ‘di mamamalas sa hinaharap ang mga talastasan ng talino’t galing sa balitaktakan sa mga inihahaing batas na bayan ang may pakinabang. Sa halip, ang inaasahan ni Mang Juan sa papasok na senado, ang astahang suntukan o drama na may iyakan na walang pakinabang ang bayan. Walang magsusulong ng kagalingan ni Mang Juan sa uri ng mga nagnanais na kinatawang bayan na ibig maging barkadahan ang mataas na kapulungan. Kawawa ang bayan nating mahal.
COMELEC, muling nanawagan na maglabas ng ngalan ng kung sino – sino ang tatakbo sa senado sa ’25 upang sa maagang ito’y makapag-isip ang Pinoy sa kinabukasan ng bayan. Umaasa na ang konting halagang tustusin sa paglalathala ng ngalan ng mga tatakbo sa senado’y pakinabang sa kinabukasan. Ang makaiwas ang bayan sa mga mangmang na pansariling pakinabangan ang layon sa kinabukasan. Umaasa na magiging instrumento ang Komisyon sa pagmumulat ng bayan nang makapili ng tama ang mamamayan. At hindi kung sino – sino sa ’25.
Maraming Salamat po!!!!