CHIEF PNP MARBIL ‘KASALI’ SA DETALYE NG TATLONG GRUPO NG BURIKI!
Advertisers
Ni CRIS A. IBON
WALANG sinasanto ang grupo ng mga sindikatong buriki/paihi sa Batangas City at sa bayan ng San Pascual kahit sa panahon ng kapaskuhan, pagkat sa halip na huminto sa kanilang operasyon ay lalo pang sinamantala ang kawalan ng aksyon ng kapulisan at iba pang awtoridad upang makapagnakaw ng milyong halaga ng produkto mula sa mga petroleum depot sa naturang lalawigan.
Ang grupo ng sindikato ay nagnanakaw ng gasolina, krudo, gas, highly combustible na A1 jet fuel na gasolina para sa eroplano ay tinukoy ng anti-crime and vice-crusaders na sina “Rico Mendoza”, “Etring Payat”, “Efren” at “Balita”.
Ang magbayaw na Rico Mendoza at Etring Payat, Efren ay may dalawang kuta ng burikian/paihian sa Barangay Banaba West bypass Road, kahilira ng UC Gasoline Station na ‘di kalayuan sa isang Integrated School ng naturang lugar sakop ng bayan ni San Pascual Mayor Antonio Dimayuga.
Ipinagyayabang ng grupo nina Mendoza na malaki ang ambag nilang election fund sa kandidatura ng mga sinusuportahang kandidato o “minamanok” lalo sa pagka alkalde ni Mayor Dimayuga. Si Dimayuga ay hindi na naghain ng kanyang kandidatura sa harap ng survey na hindi na ito mananalo muli bilang mayor ng San Pascual.
Pangunahing isyu na ibinabato ng mga kritiko kay Mayor Dimayuga ay ang malalang “kurakutan” o intelhencia mula sa operasyon ng oil at petroleum pilferage o buriki/paihi nina Rico, Etring Payat at Efren, na kahit sina Batangas PNP Provincial director Colonel Jacinto “Jack” Malinao Jr. at San Pascual Police chief Major Ricky Fornoles ay ‘di magawang masawata.
Maging si Criminal Investigation and Detection Group Regional Field Unit chief Col. Geovanny Emerick Sibalo at Batangas CIDG Provincial officer Lt Col. Jake Barila ay wala ring naging hakbang upang supilin ang operasyon ng naturang sindikato.
Bukod sa kuta sa San Pascual, may malaki pang pwesto ng paihi/buriki sina Rico Mendoza, Etring Payat at Efren sa Brgy. Banaba, South bypass Road, Batangas City. Ang nababakurang kuta ng naturang mga kawatan ay nasa tapat ng Toyota Cars Parking Area na binabantayan ng ilang barangay tanod at unipormadong pulis.
Tinangka ng grupo ng Mamamayan Kontra Krimen at Bisyo (MKKB) na hingin ang komento ni Batangas City Police chief LtCol. at Jephte Banderado hinggil sa ‘di mapatigil na operasyon ng naturang sindikato ngunit bigong makontak ang naturang opisyal.
May kalahating taon nang nag-o-operate ang nabanggit na sindikato, na ginagamit din ang kanilang kuta sa Brgy. Banaba West,San Pascual at Brgy. Banaba South na front sa pagbebenta ng shabu. Ngunit dahil sa proteksyon sa mga ito ng ilang opisyales ng PNP, National Bureau of Investigation (NBI) at iba pang law enforcing units kapalit ng daan-daang libong payola o intelhencia ay ‘di magawang maipatigil ang operasyon ng mga ito.
Liban pa sa operasyon ng Rico Mendoza group ay nag-o-operate din ang isang alyas Balita ng pinakamalaking buriki/paihi sa isang beach resort sa Brgy. Simlong, Batangas City. Mahigit sa 40 taon nang nagpapanakaw ng petroleum product sina Balita, na uri ng hanapbuhay na minana pa nito sa kanyang ama.
May dalawang malalaking bodega ng mga nakaw na petroleum products sa compound ng pinatatakbo nitong beach resort na nasasakupan ni Brgy. Capt. Rufo Caraig.
Ngunit dahil sa dami ng mga “pamato” o protektor ng mga ito sa hanay ng kapulisan at pulitika, bukod pa sa malaking payola na pamumudmod nito sa mga opisina ng Batangas City Police, Batangas Provincial Police, Region 4A Police, hanggang Camp Crame Police Headquarter at maging NBI at CIDG, ay walang sinumang nakasaling sa operasyon ni Balita.
Ngunit ang nakadidismaya maging ang pangalan ni PNP Chief, General Rommel Marbil, ilang matataas na opisyales ng PNP Region 4A at PD Col. Malinao Jr. ay kasali sa detalye ng pinadadalhan ng “weekly intelhencia” nina Rico Mendoza, Etring Payat, Efren at Balita.