Advertisers
KUNG mahilig ka sa plot twists, mas markado pa sa Netflix ang mga eksena sa Senado ng kakalipas lang na taong 2024.
Hearing dito, hearing doon — ngunit isa sa mga tahimik pero makabuluhan na nagtrabaho ay ang Blue Ribbon Committee ng mataas na kapulungan..
Sa bawat pagdinig, lumutang ang mga kwento ng katiwalian, kapabayaan, at mga sistematikong isyung nangangailangan ng aksyon — mga isyung maaaring tahimik na nailibing kung hindi natutukan.
Sa isang serye ng pagdinig, natuklasan ang malawakang pamemeke ng mga dokumento tulad ng birth certificates at pasaporte. Ang pinakamatindi, ay ang posibilidad na ginagamit ito ng ilang banyaga upang “bilhin” ang karapatang maging Pilipino. Isang nakagigimbal na kagagawan na hindi lamang naglantad ng kawalan ng integridad sa ating sistema kundi pati na rin ng mga banta sa ating pambansang seguridad.
Samantala, naging usapin din ang karapat-dapat na suporta para sa ating mga atleta. Natuklasan na ang kakulangan sa pagsunod ng isang ahensya sa mga pandaigdigang regulasyon ay muntik nang magpahamak sa karapatan ng ating mga manlalarong kumakatawan sa bansa na makipagtagisan sa international competitions. Sa tulong ng maagap na aksyon ng komite, muling nasiguro na maipaglalaban ng ating mga pambato ang bandila ng Pilipinas sa mga pandaigdigang entablado.
Hindi rin nakaligtas ang mga usapin sa kalusugan kung saan binatikos ang kakulangan ng ating delegasyon sa isang pandaigdigang pulong ukol sa tabako at muling ginawaran ng “Dirty Ashtray Award.” Bagama’t hindi naging maganda ang imahe ng bansa sa isyung ito, nagsilbi itong paalala na kailangang pagbutihin ang ating representasyon sa mga ganitong mahalagang okasyon.
Sa likod ng lahat ng ito ay si Senator Pia Cayetano, ang kauna-unahang babae na naging lider ng komite, na masipag na gumagabay upang tiyaking may pananagutan ang lahat. Hindi man laging nasa spotlight, ang resulta ng mga ginawang aksyon ang nagpapatunay na hindi kailanman dapat tumigil ang gobyerno sa paghahanap ng katotohanan at hustisya.
Ang mga kwentong ito ng pananagutan ay nagpapaalala sa atin na may pag-asa pa sa gobyerno. Basta’t may aksyon, may resulta. Kaya sä pagtikada simula ngayon ng bagong taon 2025 sa pagpapatuloy ng mga huling yugto ng sesyon at aksyon sa plenaryo, tiyak na mas exciting ang mga susunod na kabanata sa Blue Ribbon. Ika nga ay, stay tuned! ABANGAN!!!