‘Buriki’ namamayagpag sa Batangas COL. MALINAO JR., LT. COL. MURILLO NATUTULOG SA PANSITAN!

Advertisers
NATUTULOG sa pansitan sina Batangas PNP Provincial Director Colonel Jacinto “Jack” Malinao, Jr. at ang kauupong Batangas City Police Chief Lt. Col. Ira Arualan Murillo, ayon sa grupo ng anti-crime and vice crusaders. (Baka hindi sila tumagal sa kani-kanilang pwesto at sapitin din ang kinahinatnan ng mga dating pinuno ng pulisya sa lalawigan ni out-going Batangas Governor Governor Hermilando Mandanas).
Si Col. Malinao, Jr. ay may anim na buwan at tatlong araw palang na nanunungkulan bilang Officer-in-Charge ng Batangas PNP Provincial Police Office. Saklaw niya ang 29 bayan at 5 siyudad ng lalawigan, kabilang na ang Batangas City na pinamumugaran ng dalawang grupo ng sindikatong pilferage o paihi/buriki na may tatlong magkakahiwalay na malalaking kuta sa siyudad. Pinamumunuan ito ng drug pusher ding sina “Rico Mendoza”, “Etring Payat”, “Efren” at “Balita”.
Minana ng milyonaryong si Balita ang pagpapatakbo ng paihi/buriki group sa kanyang ama at tumagal na ang operasyon ng sindikato ng mahigit 40 taon o higit 4 dekada. Nagkukuta ito sa compound ng isang beach resort sa Brgy. Simlong ng naturang lungsod na sakop ni Chairman Rufo Caraig.
May 20 armadong alipores si Balita na tagapagsalin ng pinatulo o pinaihing petrolyo at pasingaw na Liquified Petroleum Product (LPG) mula sa tanker at capsule truck na minamaneho ng kasabwat ng mga itong driver. Hinahakot ng mga naturang truck ang mga petroleum product mula sa iba’t ibang oil depot sa lalawigan kasama na ang nasa kalapit lamang na Shell Petroleum depot sa Brgy. Tabangao.
Nabatid mula sa grupo ng Mamamayan Kontra Krimen at Bisyo (MKKB) na naging milyonaryo si Balita dahil sa milyones na kinikita nito araw-araw mula sa pagpapanakaw ng produktong petrolyo sa tulong ng may 20 armadong nitong mga alipores. Ang pagnanakaw ay ginagawa tuwing gabi hanggang madaling-araw habang binabantayan pa ng mga unipormadong pulis at barangay tanod.
May dalawang malalaking kuta naman ang sindikatong pinamumunuan ng magkakasosyong Rico Mendoza, Etring Payat at Efren kabilang na ang 30 kataong armado ring tauhan ng mga ito. Ang mga kuta ng grupo ay nasa malapit lamang sa Integrated School ng Brgy. Banaba West Bypass Road, kahilira ng UC gasoline station, at ang isa pa ay sa tapat ng Toyota Cars Parking Area sa Brgy. Banaba South Bypass Road, parehong sa Batangas City
Matagal nang idinadaing ng mga residente ng tatlong nabanggit na barangay ang operasyon ng naturang mga mandarambong, ngunit sa paniniwalang marami sa kanilang barangay officials ang kapanalig ng sindikato ay naging bantulot ang mga ito na hayagang pumagitna upang iprotesta ang mga paihi/buriki sa kanilang lugar.
Nagkakasa na ng mass action ang mga magulang ng apektadong mga estudyante ng Integrated School kungsaan 24/7 ang operasyon ng paihian nina Rico Mendoza, Etring Payat at Efren. Gayunman urong-sulong pa ang mga itong ikalat ang kanilang manipesto bilang pagtutol sa nagaganap na krimen sa kanilang lugar sa pangambang sila ay “balikan” at pagpapatayin ng hitmen ng sindikato.
Ang isa pang kuta ng nasabing grupo ay sa Brgy Banaba South, na kinatatakutan namang magdulot ng mala delubyong epekto kapag sumabog at nadamay ang mga imported na behikulo na nakaparada sa Toyota Parking Area.
Ilang malalaking aksidente na sa pugad ng iba’t ibang grupo ng sindikato ang naganap sa karagatan at kalupaan ng Batangas na nagdulot ng kamatayan sa maraming katao at ‘di mapapantayang kapinsalaan sa mga ari-arian.
Sa kabila nito ay ‘di parin nasawata ng pulisya, National Bureau of Investigation (NBI), Criminal Investigation and Detection (CIDG) Regional Field Unit chief Col. Geovanny Emerick Sibalo, at Batangas CIDG Provincial Officer Lt Col. Jake Barila ang operasyon ng naturang mga sindikato.
Ipinagmamalaki nina Rico Mendoza, Etring Payat, Efren at Balita na malaki ang intelhencia nila sa tanggapan ng Batangas City Police, Batangas PNP Provincial Office, PNP Region 4A hanggang sa tanggapan ni PNP Chief Gen. Rommel Francisco Marbil sa Camp Crame, Quezon City.
Ayon sa MKKB, kailangang mag-ala BGen. Redrico Maranan, Director ng PNP Region 3, sina PNP Region 4A Director BGen. Paul Kenneth Lucas, PD Col. Malinao Jr. at LtCol. Murillo na nagawang itiklop ang operasyon ng sindikatong paihi/buriki sa lalawigan ng Pampanga, matapos maaresto ng magkasanib na lakas ng Region 3 at Guagua Municipal Police Operatives ang 18 miyembro ng naturang sindikato.
Nakaabang sa maaring mabakanteng puwesto ni Gen. Lucas ang isang bagong kapo-promote na heneral, gayundin kay Malinao Jr. kapag hindi nasupil ng mga ito ang operasyon ng naturang mga ilegalista, ayon sa MKKB.
Bagama’t nasasaklawan ng election ban period, ayon kay COMELEC Chairman Atty. George Garcia, maari paring palitan sa pwesto ang mga police official, kailangan lamang ay ang pagsang-ayon ng kanilang tanggapan sa Intramuros, Manila.
Nangako si Garcia na sa loob lamang ng tatlong araw ay aaksyunan ng COMELEC ang alinmang ‘request for transfer’ na idudulog ng PNP sa kanilang opisina. (CRIS IBON)