Advertisers
ODIONGAN Romblon- BALIK kami sa pagsusulat pagkatapos ng aming mahaba-habang bakasyon noong holiday season. Totoong napahinga ang aming isip at katawan mula sa pang-araw na gawain at kasamang stress. Mapapasubo kami ng totohanan sa pagpasok ng kampanya sa Pebrero. Sisikapin namin ang mag-ambag ng ilang kaisipan. Masusi kaming sasali sa talakayan.
***
MAY pang-apat na impeachmen complaint laban kay Sara Duterte. Ikinakasa ang reklamo bago ang Pasko at isusumite ngayong linggo sa Camara de Representante. Hindi nalayo ang reklamo sa unang tatlo, ngunit naiba ito dahil sa iba ang pangkat ng mga naghain sa Camara.
Mga pulitiko ang nagsampa ngayon. Mas marami ang nagharap ng reklamo. May balita kami na may panglimang impeachment complaint laban kay Sara. Ano ba ito? Papaliguan ba ang maldita ng mga reklamo upang matanggal siya sa puwesto? Tuloy-tuloy na ito.
Hindi nagtapos ang usapin sa pagsampa ng impeachment complaint laban kay Sara sa Camara. Mukhang nagkasundo na magsama-sama ang mga complainant, o ang mga tao at grupo na nagsampa ng reklamo. Nagkasundo sila magbuklod-buklod upang mapag-isa ang mga inihaing reklamo sa Camara. Paraan nila ito upang lumakas ang kanilang pwersa.
Malalim ang iniwang sugat ni Gongdi sa kanyang anim na taon na termino bilang presidente. Libo-libo ang kanyang ipinapatay. Ipinakulong niya si Leila de Lima sa mali at pinagtagpi-tagping ebidensiya. Ipinatanggal niya si Ma. Lourdes Sereno bilang Punong Mahistrado ng Korte Suprema. Sinampaan niya ng sakdal batay sa maling usapin si Maria Ressa. Ipinatapon sa bansa ang aktibikstang madre na si Sister Patricia Fox.
Idagdag pa ang libo-libong ipinatay ni Gongdi sa pinagsamang puwersa ng pulis at vigilante na pawang nakatago ang mukha batay sa hinala na sangkot sila sa droga bilang adik at tulak. Hindi sila binigyan ng pagkakataon na magpaliwanag. Hindi sila biniyayaan na mahagkan ng batas. Marami sa kanila ang pinasok sa batas at basta pinatay. Ngayon, gusto ni Gongdi at mga kasabwat na makalusot sa batas.
Mahirap talikuran at kalimutan ang mga kahayupan ni Gongdi. Walang ginawa si Sara upang pigilin ito. Kasama si Sara sa sindikatong kriminal ng Davao City. Nagkibit balikat lamang siya at kinakatawan ng kanyang asal ang pagsuporta sa malawakang EJK na ginawa ng administrasyon ng kanyang ama.
Idagdag pa ang pagkawala ng P612 milyon na confidential fund. Hindi maaalis ang hinala na ibinulsa ito ni Sara dahil sa kanyang hungkag na paniwala na wala siyang dapat ipaliwanag. Mali ang kanyang asal. Hindi puede na gastusan ang salapi ng bayan ng walang paliwanag. Malamang na dinambong ang salapi kung ayaw niyang magpaliwanag.
***
MULING bubuksan ang pagdinig ng QuadComm, ang super committee na nilikha ng liderato ng Camara upang siyasatin ang ilang mapaminsalang isyu na ginawa ni Gongdi. Kasama dito ang mga katiwalaan sa operasyon ng mga malaking POGO at malawakang patayan kaugnay sa giyera kontra droga ni Gongdi. Hindi pa namin alam kung sino ang mga iimbitahang resource person.
Maganda kung iimbitahan ang dalawang colonel na tumanggap ng pera na kinuha sa bangko ng mga opisyal ng OVP. Tama lang na magpaliwanag sila kung saan nila ibinigay ang P125 milyon na kinuha mula sa tsekeng ipina-encash sa Lang Bank. Wala pang linaw ang isyu na iyo.
***
HINDI namin alam kung normal ang pag-iisip ni Bato dela Rosa dahil nangako siya itutuloy ang laban sa ilegal na droga. Subalit, sa ipinasang 51-page progress report ng Quad Com noong Disyembre 18, inirekomenda ng Quad Comm na isampa ang kasong “crimes against humanity” laban kay Bato, Gongdi, Bong Go at iba pa dahil sa koneksyon umano ng mga ito sa extrajudicial killings (EJKs) sa madugong giyera laban sa droga ni Gongdi.
Sa nasabing progress report ay ibunyag ni Jimmy Guban, dating Bureau of Customs (BOC) officer, na umano’y binalaan siya na huwag makialam sa drug shipments na pag-aari umano nina Polong, asawa ni Sara na si Mans Carpio, at Hong Ming Yang o Michael Yang.
Kinumpirma din ng dating customs broker na si Mark Taguba ang umano’y “corrupt network” ng government officials at brokers sa loob ng BOC at sinabing required umano ang mga shipper na magbayad ng weekly bribes na tinatawag na “Tara System” upang masiguro ang mabilis na proseso ng mga shipment.
Binanggit din ni Taguba na pinilit ito na magbayad ng “enrollment fee” na nagkakahalaga ng P 5,000,000 upang maprotektahan ng tinaguriang “Davao Group” kung saan itinuro nito si Rep. Duterte bilang lider nito.
Natuklasan naman sa nasabing progress report na may koneksyon umano sa large-scale drug shipments ang “Davao Group” at mga miyembro ng pamilyang Duterte at nirekomenda ang dagdag imbestigasyon tungkol sa papel ng mga indibidwal na pinangalanan kabilang sina Carpio, Rep. Duterte, at iba pa.
***
Email: bootsfra@gmail.com