Advertisers
Marami ang naghahangad makapagserbisyo sa bayan halal o naitalaga sa pwestong ibig. Marami ang itutulak at konti ang kakabigin higit sa mga kinatawang bayan na lumandas sa pagpapahalal. Masagwa ang karanasan ng bayan sa iilang kinatawang bayan na ‘di maayos ang postura sa pagganap bilang halal ng bayan. Hindi dahil sa walang kibo sa lugar na ginagalawan higit ang pagkiling sa maling usapin na lantad ang salang gawa sa nakaraan. Ang pagpapakita ng pagkampi sa maling gawa ang kinayayamutan. At hindi umaasa na makikitaan ng kagalingan sa mga usaping bayan ngunit ang pagtindig sa makatwiran ang inaasahan. Kita sa nakaraan ang tamang tindig na makiling sa tama. Subalit, pakitang tao ang nasilayan ng makapang-akit ng mga bobotante at ‘di totoo ang galaw sa kasalukuyan.
Sa pag-ikot ng panahon, patuloy ang pagdami ng populasyon na siya ring pagdami ng mga ibig na maglingkod sa bayan. Dumarami ang bilang ng nagpapakita ng pagmamahal sa bayan sa salita ngunit sa panahon na nakamit ang ibig, ang paglimot sa bayan ay pitik ng daliri dahil sa nakamit na ginhawa dahil sa basbas na bigay ng mamamayan. Naging palasak ang galawang banggit na una ang sarili, ang kakampi at ‘di ang bayan. At palasak ang paglapit kay Mang Juan bitbit ang kapirasong tinapay na alay sa panahon ng kampanyahan. At siyempre iba ang bigayan sa araw ng halalan na ang pagkatok sa pinto ng mga tahana’y ginagawa ng palihim ng matiyak na makuha ang pag-oo ng buong pamilya ng manghahalal.
Sa panahon ng halalan na kikilala ng mga nag-iibig magserbisyo si Mang Juan. Ang panahon kung saan laganap ang mga payasong nagpapahalal na ginagawa ang pagpapasaya sa mga manonood o taga-pakinig na manghahalal. At tunay na limot ang mga bobotante sa oras na makamit ang pwestong ibig. Samantala, umasa na dala ang natutunang pang-aakit ng mga botante sa bahay na paglilingkuran ng makuha ang malaking bahagi ng kaperahan na pasan ng bayan. Samantala, ang dating madalas na dinadalaw na taong bayan ay dadalan o nakalimutan o iniiwasan ng ‘di magastusan. Maging ang serbisyong bayan na dala sa kampanyaha’y lumisan sa isipan dahil sa ginhawang nakamtan sa pwestong natangan na puno ng gintong mina na pasan ni Mang Juan.
Sa totoo lang, isang bahagi lang sa kampanya ang pagharap ng mga kumakandidato sa taong bayan ang masakit maging ang tulad ni Mang Juan na harimunan, ang mga tauhan ng mga kandidato’y karaniwan ang paglabag sa batas ng halalan. Ang walang habas na pagdidikit ng palihim sa bakod o pader ng kabahayan ng poster na pagpapakilala sa mga kandidato. Ang masakit, hindi maalis ang mga poster ng mga kandidato sa takot na mabalikan kung manalo. O’ sadyang ganito ang kalakaran at para saan na kami, tayo ang nasa kapangyarihan. Masakit mang bangitin kailangang maituwid ang maling galaw ng tauhan ng mga kandidato, higit ang mga tauhan ng kamag-anak ni Mayor Ligaya na si Vincent Belmonte ng Lunsod Quezon.
Malinaw na ‘di pambayan ang layon ng mga politikong kumakandidato, nakatuon na makuha ang pwestong ibig / tangan ano man ang mangyari. Sa layon na makuha ang ibig sa ano mang paraan, ‘di pansin ni Mang Juan sa kadahilanang una ang pagkain sa sikmurang kumakalam. Ang kawalan sa buhay ang punong dahilan sa pagiging walang kibo o pakialam ng mamamayan na sandigan ng mga politiko na ‘di ibig mabago ang kalagayan. Ang maitanim sa isip ng mamamayan na may-aasahan at maging palaasa ang kalagayang ibig na mapanatili ng maraming halal ng bayan na pagtitiyak ng pagpapanatili sa pwestong tangan. At kung may sapat na puhunan ang magpalaki ng nasasakupa’y ‘di kakalimutan.
Walang puwang sa mga politiko si Mang Juan maging ang kagalingan higit malaki ang nakataya, ang ‘di maalis sa pwesto at mapalaki ang takits sa negosyong tangan. Sa pagkakataong bangit, dapat o kailangang magising si Mang Juan at ang bayan na ‘di sapat ang pangakong serbisyong bangit ng mga kandidatong nag-aasam ng upuan sa mga tahanan ng kapangyarihan. Tungkulin ng bayan ang pagbabasbas sa mga taong gigiya sa landasin ng bayan para sa kagalingan ng lahat. Matagal na panahon o deka-dekada na ang lumipas ng makamit ng bayan ang demokrasyang asam subalit o tila sa unang bahagi lang ang lakas ng boses ng bayan. Ang namalas na naganap na pagpapalit ng pamahalaan sa EDSA ang pinakatatanging karanasan sa politika na tunay na boses ng bayan ang nangingibabaw sa ating Lipunan.
Sa panahon ng kamulatan, ang kagalingan ng bayan ang binabalik balikan sa kadahilanang pakikibahagi sa nakamtan na demokrasya. May mga pagsubok na hinarap ang bayan mula sa ilang mapag-imbot na ibig palitan ang liderato ng bansa sa kadahilang walang karanasan o alam ang nalangisan ng bayan. Ang pagtayo sa tama at pasya ng bayan ang tindig na kailanman ay ‘di bibitiwan sa kasagradohan ng ibig ng mamamayan. Ang mga pagsubok na hinarap sa nakaraan ang nagpatatag sa demokrasyang nakamit kontra sa mapaniil na lipunan sa nakaraan. Bago man sa larangan ang napusuan ng bayan, subalit nagpakita ang dating lider ng kagalingan ‘di tulad ng kasalukuyan. At maging ang anak na naging pangulo ng bansa’y itinaas ang pananaw sa lahing kayumanggi.
Sa totoo lang, may paghihimok sa dating lider ng himagsikan na muling tumakbo sa halalan bilang unang pangulo ng bagong saligang batas, 1987. Subalit ‘di nagdalawang isip at nagpasyang bumaba na pagpapakita na ‘di ang halalan ang landas sa serbisyong ganap. Sa pagbaba, nagtuloy ang mga halalan na larawan ng ganap ang demokrasya sa bayan. Mang Juan, muli ka na namang nahaharap sa halalan at sinusubok ang kagalingan ng pasya sa pagpili ng tamang mga taong ibig magserbisyo sa bayan. Ang pagbangon sa kahirapan ang balakid sa tamang pagpapasya na gamit ng mga ayaw bumitiw sa pwestong tangan. Ang walang pag-aatubili sa panlililo ng mga ibig maglingkod kay Mang Juan ang iwaksi at ang tamang pasya sa kinabukasan.
Mang Juan, alagaan ang demokrasyang nakamit sa nakaraan, sa pagharap ng mga tatakbong ibig magserbisyo’y piliin ng ‘di mapagsamantalahan at magamit ang pwestong tatangan para sa pansariling kagalingan. Balikan ang nakaraan sa uri ng lider na una ang bayan at ‘di ang sarili. Piliin ang kandidatong walang layong magtagal sa pwestong tatangan at uunahin ang interes ng bayan sa mga batas na isusulong sa mga kabahayan. Mang Juan nasa harap ang hamon na alagaan ang demokrasyang nakamit ng ‘di maduhagi sa ambisyon ng mga ganid sa salaping bayan.
Maraming Salamat po!!!!