Advertisers

Advertisers

‘NANLABAN’

0 35

Advertisers

KASUMPA-SUMPA ang salitang ito, sa kabatiran ng marami. Ito ang karaniwang sagot ng pulis sa isyu ng maramihang patayan na naganap kaugnay sa madugo pero palpak na giyera kontra droga ni Gongdi. Hindi namin matanggap ang salitang ito dahil hindi totoong lumaban sa mga pulis ang mga biktima ng EJKs. Pinaslang sila ng mga alagad ng batas sa kabila ng kanilang pagmamakaawa sa maraming pagkakataon.

Hindi sila nanlaban dahil pinaslang sila ng walang laban batay sa kumpisal ng maraming saksi. Ngunit hindi tapos ang isyu ng mahigit sa 6,000 (batay sa opisyal na datos) na pinatay sa hinala na adik at tulak sila sa bawal na droga. Walang karampatang imbestigasyon at ulat ang mga pulis hinggil sa mga napatay. Tema ito ng testimonya ni Joel Sarmenta, human rights advocate at dating communications consultant ng namayapang Chito Gascon ng Commission on Human Rights (CHR), sa pagharap niya noong Martes sa public hearing ng QuadComm sa Camara de Representante.

Testimonya ng mga nakasaksi ng mga EJKs hindi lumaban ang mga biktima. Hindi nalagay sa panganib ang buhay ng mga alagad ng batas. Sa maraming pagkakataon, sumuko ng maayos ang mga biktima ngunit pinatay pa rin ng mga pulis. Tinapunan sila ng mga kalawanging baril bilang patunay na lumaban umano sila.



Pinatotohanan ni Sarmenta sa kanyang testimonya sa QuadComm na maraming EJKs ang hindi iimbestigahan ng pulis. Walang patunay na lumabas sa publiko, aniya. Lumabas na sinadya ng pulis na hindi imbestigahan ang mga EJK at sa mga pagkakataon na inobliga ang mga pulis na magsiyasat, marami silang alibi at hiningi, aniya. Ayon kay Sarmenta, may 102 ang pinatay ng mga pulis noong 2017 sa Payatas, Quezon City , ngunit walang imbestigasyon kahit isa.

Iniharap ni Sarmenta sa QuadComm si Marissa Hamoy, ina ng isa sa mga biktima ng EJKs, at sinabi niya na pinatay ang kanyang anak kahit walang record sa barangay at pulisya ng paggamit ng droga at pagtutulak. Nasama ang anak niya sa limang kabataan na nagkaroon ng birthday celebration. Isa lang sa lima ang may record at nasa watchlist.

Ani Sarmenta, isa sa lima ang nabuhay, ngunit kinasuhan siya ng direct assault. Pinawalang sala ng husgado si Harold Arevalo, ang tanging nabuhay, sa lima sangkot sa Payatas Massacre. Ayon kay Kristine Conti, manananggol ng Rise Up for Life, isang civil organization para sa pamilya ng mga biktima ng EJK, na kakaiba ang nangyari sa ibang biktima ng EJKs. Patay na ang mga biktima, ngunit kinasuhan ng PNP upang bigyan ng diin na “nanlaban” kahit alam nila na walang batayan sa batas na kasuhan ang patay na.

Batay sa sariling pag-aaral, sinabi ni Sarmenta na 52 kaso ng EJK ang iniharap iniharap ng gobyerno sa United Nations Council on Human Rights bilang patunay na hinaharap ng gobyerno ni Gongdi ang isyu. Ngunit ayon kay Sarmenta, hindi kasama sa 52 insidente ang mga kontrobersyal na patayan. Walang matatagpuan sa social media ng mga detalye sa mga kasong ito. Isa itong dahilan, ayon sa kanya, para maniwala na hindi seryoso ang gobyerno upang lutasin ang isyu ng EJKs sa bansa.

Isinumite ang 52 kaso sa National Bureau of Investigation (NBI) para sa kaukulang pagsisiyasat at pagsasampa ng sakdal sa mga may pananagutan sa batas. Sa testimonya niya sa QuadComm, sinabi ni Ferdinand Lavin, deputy director ng NBI, na napilay ang NBI sa pagsisiyasat dahil sa kawalan ng sapat ng impormasyon. Matagal na nangyari ang mga krimen at hindi nito mabuo muli ang mga insidente ng EJK upang isakdal ang maysala sa hukuman. Isinisi ni Lavin sa SOCO (scene of the crime operatives) ng PNP ang kawalan ng sapat na impormasyon. Sinang-ayunan ni Lavin ang obserbasyon ni Abante na kasalanan ng PNP ang kawalan ng sapat na imbestigasyon sa mga patayan.



***

IMINUNGKAHI ni Fr. Manuel Gatchalian, isang lider relihiyoso na dumalo sa public hearing, ang pagtatayo ng isang “truth commission” upang maungkat ang totoong nangyari sa war on drugs ni Gongdi. Sinang-ayunan ito ni Abante, chair ng komite on human rights ng Camara, at sinabi niya na hindi pa hui para masiyasat ng puspusan ang mga insidente ng EJK.

Ayon kay Gatchalian, kailangan namagtakda ang Kongreso ng budget para sa “indemnification” o bayad pinsala sa mga pamilya ng biktima. Marami sa mga pinatay ng nakaraang administrasyon ang tumatayong “breadwinner” sa kani-kanilang pamilya, ani Gatchalian. Dahil pinatay sila ng walang tamang proseso at hindi dumaan sa batas, marapat a bayaran ng gobyerno ang pinsala sa kanilang pamilya, aniya. Hindi sinabi ni Gatchalian kung magkano ang dapat ibigay sa pamilya.

***

POST ko ito sa social media bilang paglilinaw sa aking paninindigan tungkol sa mga laos na artista na gustong maging pulitiko. Pakibasa na lang:

“Hindi ako kontra sa mga kandidato na galing sa showbiz. Hindi ko lang gusto ang attitude nila. Masyadong bilib sa sarili. Hindi nila alam na wala silang sapat na kaalaman sa trabaho bilang lingkod bayan. Ang pinakamasakit – dahil wala silang sapat na alam, wala rin silang sapat na paghahanda.

“Hindi nila alam ang kahalagahan ng sapat na paghahanda. Tama ang namayapang Dolphy kung bakit hindi sya tumakbo upang maging lingkod bayan. Paano nga naman kung manalo siya, ano ang gagawin niya? Ayaw niya ng bagong problema.”

***

MISTULANG pinitpit na luya si P/Col. Hector Grijaldo sa kanyang pagharap sa public hearing ng Quadcomm noong Martes. Nilunok ang pride imbes na magsalita sa harap ng QuadComm. Nagtago sa “right to self incrimination.” Karapatan ito ng bawat mamamayan na hindi maaaring pilitin ang isang saksi na magsalita na maaaring gamitin laban sa kanya. Ginagarantiyahan ang karapatan na ito ng Saligang Batas.

“Nawala ang asim,” ito ang ginamit na matalim na salita ni Surigao del Norte Kin. Robert Ace Barbers, presiding chair ng QuadComm. Hindi natuwa si Barbers dahil hindi kinumpirma si Grijaldo ang laman ng kanyang affidavit na isinumite sa katawa-tawa at kaisa-isang public hearing ng Senado tungkol sa war on drugs in Gongdi. Sa maikli, hindi pinanindigan ni Grijaldo ang kanyang sinabi sa Senado. Pero naduwag sa Camara.