Advertisers
Bakit halos sigurado na ang panalo ni Yorme Francisco “Isko Moreno” Domagoso, e sa Mayo 12, 2025 pa ang midterm elections?
Malinaw na malinaw kasi ang sagot sa legacy o mga pamana na iniwan ni Yorme Isko sa Maynila — na hindi nagawa, hindi naipagpatuloy ni Mayora Honey Lacuna kaya ang Manilenyo ay isinisigaw: Bumalik ka na, babalik na si Yorme sa Manila!
Una, tumatak sa isipan ng mga Batang Maynila ang bilis-kilos na mga programa ni Yorme para sa kapakinabangan ng Manilenyo, maayos na infrastructure legacy nito sa lungsod na ikinamangha maging ng ibang alkalde sa Metro Manila at ibang probinsiya.
Kung bakit pinababalik ng mga Manilenyo si Isko eto ang patunay sa mga kamangha-manghang mga ginawa ni Yorme na tumatak sa isipan ng mga taga-Maynila, kung bakit isinisigaw nila: Bumalik ka na Yorme Isko.
In less than three years as Mayor of Manila, naitala ang 20 mala-higanteng proyekto sa siyudad na hindi pa mapapantayan ng sinomang naging alkalde ng Maynila, at ito ay sa panahon pang maraming balakid, kalamidad at ang mapaminsalang COVID-19 pandemic.
Noon, very busy ang maraming lugar sa lungsod, mga pagawaing bayan, nagtataasang gusali, mga infra projects na hindi aakalaing magagawa, maitatato sa loob ng kulang tatlong taon.
Monumentong hindi matitibag — na ikinaiinggit ng mga kalaban ni Yorme Isko sa politika — ay ang 10-palapag na Bagong Ospital ng Maynila, na may helipad pa para sa mabilis na paglipad at paglapag ng chopper na magdadala ng mabilis na paggamot sa pasyente.
At eto ang matindi: may yagbols si Yorme sa maglolokong contractor sa mga pagawaing bayan.
Ang banta ni Kois, kapag ang proyekto ay di maayos, palpak at padaskol-daskol ang paggawa, haharap sa hukuman ang kontraktor at ipasosoli niya ang nagastos o ibinayad ng Manila taxpayers.
E, sinong kontraktor, sinong negosyante ang magnanais na magsoli ng bayad sa trabaho at may peligro pang makukulong at mailalagay sa blacklist sa mga negosyanteng di na makasasali pa sa bidding ng gobyerno.
Mala-Makati Medical Center ang Bagong Ospital ng Maynila na pinondohan ng P2.3 billion na pinakikinabangan ng mamamayang Manilenyo.
May ganito bang proyekto si Mayora Honey at VM Yul Servo, nega as in wala, wala!
At ang maraming modernong paaralan sa lungsod, mga katulad na pabahay sa mahihirap, ang 15-20 palapag na Tondominium 1 ang Tondominium 2 sa Vitas, Tondo na dati ay squatter area at katayan ng mga hayop sa Maynila.
Sa condo na ito sa Vitas may swimming pool na, may fitness center pa, palaruan, saan ka pa?
Ang mga dugyot ay nagtatamasa ng maalwang buhay gawa ng mga modernong pasilidad na wala sa ibang bayan at siyudad sa bansa.
At di lang yun, dear readers, air-conditioned ang mga classroom sa ipinatayong eskuwelahan, may basketball court, may gym at may roof deck na kaysarap doon na mag-relax ang mga estudyante at mga titser at mga bisita.
Kakaiinggit, di ba Mayora Honey, kasi wala kayong inatupag kungdi magrelax at isiping tama na, hindi na kayang dagdagan pa ang mala-higanteng proyekto ni Yorme, kasi tama na iyon sa Manilenyo.
Sa panahon ng pandemya ginawa ang mga proyektong ito, sa panahong halos tumigil na ang ikot ng mundo ng Manilenyo, pero sa panahon ni Isko Moreno Domagoso, anong COVID-COVID, kailangan ay trabaho, hanapbuhay at kailangan anoman ang problema, dapat ay umiikot ang gulong ng progreso sa Manilenyo.
Sa mga unang araw ni Yorme Isko sa cityhall, inayos niya ang magulo, mabahong Liwasang Bonifacio; ang Carriedo, ang Divisoria at ang mga problema ng vendors at negosyante, nirapido niyang inayos, pati ang trapiko at pinarusahan ang mga kotongero!
Ang matandang Manila Zoo ay moderno na parang Zoo sa Singapore; aywan kung malinis pa rin ang pinagandang Lagusnilad Underpass at nadagdagan ba ng Lacuna administration ang mahigit sa 200 townhouses na itinayo para sa mga biktima ng sunog noon sa Tondo?
Ang dating maruming park sa Hidden Garden sa Liwasang Bonifacio at sa Arroceros Park na inayos ni Yorme noong 2021, balita ay napabayaan na rin?
Dinadayo pa ba ng mga lokal at dayuhang turista ang mga parkeng ito na pinaganda ni Yorme?
At ang mga kanal na tambakan ng dumi at basura, at mga barong-barong sa gilid ng Ilog Pasig at kahabaan ng estero na tumutuloy sa Manila Bay, patuloy pa bang nababantayan at nalilinis tulad noong si Yorme Isko ang nasa cityhall.
Balik daw sa dating mabahong simoy na dala ng iba-ibang uri ng basura, dumi at toxic ang mga lugar na nabanggit.
***
Sa maraming dekada, ang relong Big Ben sa ituktok ng Manila Cityhall ay naging pugad ng mga daga at mga insektong may dalang sakit sa tao.
Ah, pasyalan ito ngayon, may magandang kapehan pa na pwedeng mag-relax dun ang mga may nilalakad sa cityhall.
Kung dati ang “turista” ay pesteng daga, ang makasaysayang Manila Clock Tower ay simbolo ng pagbabalik ng ningning at ganda ng kabiserang lungsod ng Pilipinas.
Salamat kay Yorme Isko na sa kabila ng banta sa buhay ng pandemyang COVID-19, naging tuloy-tuloy ang sariling ‘Build, Build Project’ ni Yorme at ang COVID-19 Manila Field Hospital na ipinatayo sa loob lamang ng 52 na araw, ito ay maitatala sa kasaysayan ng Manila at ng Pilipinas.
Dahil sa ospital na ito, libo-libong pasyenteng may COVID sa labas ng Maynila ay dito ginamot at gumaling, at ang mga gamot kontra pandemya, walang pinagkaitan, kahit hindi taga-Maynila, simpleng request lamang ng doktor at pasyente, nabibigyan ng gamot pandugtong ng buhay.
May naitayong pabahay, mayroon sa San Sebastian, San Lazaro, at Pedro Gil vertical housing, bukod pa sa Tondominiums, Binondominium, and Manila Zoo renovation.
Nagpatayo pa si Yorme Isko ng bagong medical school building ng Pamantasan Lungsod ng Maynila at maraming iba pang infra projects.
May tanong paano pinondohan ni Yorme Isko ang mga dambuhahalang proyektong ito — na pinakikinabangan ng Manilenyo?
Bukod sa bilyong pera ng siyudad, umutang ang Maynila sa Development Bank of the Philippines (DBP) na ayon sa Commission on Audit (COA), maayos itong nababayaran bunga ng maayos na koleksiyon ng buwis sa panahon ni Isko.
Ngayon kaya, nakababayad ba ang cityhall sa mga proyektong ito, tanging si Mayora Honey at ang COA ang makasasagot.
Basta, ayon sa rekord noong panahon ni Yorme Isko, lumaki ang koleksiyon ng siyudad sa P19.2 billion sa loob lamang ng isang taon mula Hulyo 1, 2020, hanggang Hunyo 30, 2021.
Malaking investment ang mga proyektong ito sa panahon ni Yorme at hindi masasabing “kalugihan” tulad ng ikinakalat ng kanyang mga kalaban.
Alam ng lahat ng negosyante, lalo na mga nasa real estate, pataas nang pataas ang value ng mga naipatayong gusali, infra sa pagdaraan ng mga taon.
At ang ginawang fast, agresibong infra projects ni Yorme ay malaking halagang profit ito sa Manilenyo sa parating na mga taon.
Sa mga ito lamang na kamangha-manghang achievement ni Yorme Kois, sapat na sapat nang dahilan upang isigaw nga ng Manilenyo ang sabik na panawagang siya ay bumalik na sa cityhall.
Babalik na si Yorme Isko; Goodbye Honey Lacuna!
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa bampurisima@yahoo.com