Advertisers
Lumipad patungong Hong Kong ang public service at talk program na CIA with BA upang tuparin ang kahilingan ng ating mga kababayang OFW (Overseas Filipino Workers) na mabisita sila nina Senador Alan at Pia Cayetano, at Boy Abunda.
Sa unang bahagi ng special Hong Kong episode, na ipinalabas nitong Linggo, Pebrero 2, ibinahagi ng mga Pilipino na lumipat sa tinaguriang Asia’s World City ang kanilang mga kwento sa hangaring magkaroon ng mas magandang buhay.
Isa sa mga tampok na kwento ay mula sa mga babaeng propesyonal sa Pilipinas na kasalukuyang nagtatrabaho bilang domestic helpers sa Hong Kong. Sa kabila ng kanilang trabaho, hindi nila tinalikuran ang kanilang mga propesyon. Tuwing day off nila, nagbibigay sila ng libreng serbisyo bilang mga nurse, guro, at cancer support volunteers.
Nagbigay ng papuri si Sen. Pia Cayetano sa kanilang dedikasyon at sinabing sana’y patuloy silang magsilbing inspirasyon sa iba, habang itinuturing ang Hong Kong bilang isang home away from home.
“I’m so proud of you. I hope your families recognize the sacrifices and success you made,” ani Ate Pia.
Isa pang kwento ang ibinahagi ni Noelyn, isang OFW sa Hong Kong sa loob ng 11 taon na na-diagnose ng breast cancer. Binigyan siya ng legal advice ni Kuya Alan tungkol sa kanyang mga karapatan, partikular na sa health benefits. Nangako rin ang senador at host na aalamin pa ang ibang paraan upang matulungan siya.
“’Pag nasa Senado ka at ikaw ay national official, you try to solve the problems in a macro way. But when you’re here, listening to the individual problems, hindi mo pwedeng sabihin, ‘O, sino-solve namin ‘to lahat.’ It’s just so much a blessing to be here—to listen to the heartaches but also to the heartwarming stories ng ating mga kababayang Pilipino dito,” pahayag ni Kuya Alan.
Samantala, ibinahagi naman ni Tito Boy kung gaano ka-espesyal para sa kanya ang Hong Kong at ang Filipino community rito.
“Sa akin po, ang Hong Kong ay napaka-espesyal dahil nung buhay pa po ang aking ina, at tuwing kami’y dumadalaw dito, ang nanay ko sobrang tuwang-tuwa dahil nakikita niya at nakakasalamuha ang kanyang mga pamangkin—ang aking mga pinsan—na hanggang ngayon po ay domestic helpers dito. Kaya hindi po iba sa akin ang mga OFW dito sa Hong Kong,” aniya.
Ang ‘CIA with BA’ ay nagpapatuloy sa pamana ng yumaong Senator Rene Cayetano at napapanood tuwing Linggo, 11:00 p.m. sa GMA7, may mga replay sa GTV tuwing Sabado, 10:30 p.m.