Advertisers

Advertisers

IMPEACHMENT TRIAL SA HULYO

0 36

Advertisers

KUNG sakaling mabigo ang kasalukuyang Senado na dinggin ang sakdal na patalsikin sa pwesto si Misfit Sara, walang hadlang na ituloy sa Hulyo ang impeachment trial ng susunod na Senado sa ilalim ng pangdalawampung (20th) Kongreso ang pagdinig. Ito ang binigyang diin ni Antonio Carpio, retiradong mahistrado ng Korte Suprema, sa kanyang pagharap sa mga mamamahayag noong Linggo.

Sa pulong balitaan ng Kapihan sa QC sa Mangan Tila Restaurant sa Quezon City, ipinaliwanag ni Carpio bilang batayan ang doktrina (jurisprudence) ng batas na nagtuturing sa Senado bilang isang “continuing institution.” Nananatili ang Senado bilang isang institusyon ng gobyerno kahit mayroong halalan sa Mayo upang pumili ng sambayanan ng bagong 12 senador na papalit sa 12 senador na magtatapos ang termino sa Hunyo 30 ng kasalukuyang taon, ani Carpio.

May natitirang 12 senador kahit nagkakaroon ng halalan sa Mayo 12, ani Carpio. Kaya tuloy ang Senado bilang isang institusyon sa bansa, aniya. Hindi nagtatapos ang Senado sa tuwing nagkakaroon ng halalan upang palitan ang 12 senador, aniya. Ito ang pananaw ng Korte Suprema sa Senado, aniya.



Inamin ni Carpio na mahirap para sa kasalukuyang Senado na talakayin at dinggin ang sakdal na impeachment na isinumite ng Camara noong nakaraang linggo. Masyadong bitin sa panahon, aniya. Nasa recess ang Kongreso upang magbigay daan sa halalan sa Mayo 12. Sa Hunyo 3 na muling bubuksan ang regular na sesyon ng Kongreso para wakasan ang pang labingsiyam na Kongreso.

Ayon kay Carpio, ang tanging paraan upang magkaroon ng sesyon ang Senado ay muling buksan ang talakayan sa 2025 national budget. Maaaring magpapatawag ng special session si BBM at sa pagkakataong ito, kasama na ang pagbuo sa Senado bilang impeachment court.

Hindi kumporme ang dating mahistrado na magsampa ng petisyon ng mandamus sa Korte Suprema ang mga mamamayan upang pilitin ang Senado na pulungin ang sarili bilang impeachment court. Sa ilalim ng Saligang Batas, tanging si BBM ang may poder na magpatawag ng special session. Ngunit hindi rin ganap ang kapangyarihan ni BBM, aniya.

Kaya maingat si BBM at nagsabi na tatawag lang siya ng special session kung may kahilingan mula sa Senado. Pabor si Carpio na hilingin sa mga tatayong prosecutor sa mga masatsat na senador na diskwalipika ang sarili dahil sa pagkiling kay Misfir Sara. Pinatatamaan ng mga salita ni Carpio sina Bato dela Rosa, Bong Go, Robin Padilla, at Imee Marcos.

***



PANANAGUTAN ang nakataya sa isyu ng impeachment laban kay Misfit Sara. Kung tatanungin ang mga mambabatas tulad ni Kin. Jerome Acidre ng Tingog Party List, halata ng sambayanan na ayaw ni Misfit Sara ang managot sa mga bintang kay Misfit Sara tulad ng pandarambong sa P612-M confidential fund at pananakot na saktan si BBM, LAM, at Ispiker Martin Romualdez.

Pilit tinatalikuran ang kanyang pananagutan at ililigaw ang usapan, ayon sa mga mambabatas. Ito ang dahilan kung bakit nagsampa sila ng reklamo tungkol sa national budget ng 2025. Bakit ngayon lang isinampa ang reklamo at bakit hindi noon? Ito ang mga tanong ni Acidre sa isang pulong balitaan sa Camara.

Para kay Kin. Joel Chua ng Maynila, inaasahan niya na ang mga senador na magkaroon ng tinawag niyang “political neutrality.” Sila ang mga tatayong huwes sa sandaling maging impeachment court ang Senado. Hindi sila dapat makiling kay Misfit Sara, aniya.

***

MATAGAL na namin sinasabi sa mga nakaraang kolum na hindi ganap na hawak ni Gongdi ang Kongreso. Hindi na siya ang pangulo at mas lalong wala siyang poder upang hikayatin ang mga mambabatas na sundin ang kanyang gusto. May ilan siyang hawak na mambabatas tulad ni Bato, Bong Go, Francis Tolentino, Imee, at Robin sa Senado. Nandiyan sina Pantaleon Alvarez, Napoleon Ungab,Polong Duterte, at ilang hindi kilalang kongresista sa Camara.

Walang poder ang dating pangulo sa pulitika ng bansa. Hindi siya malapit sa kaban ng bayan hindi tulad ng kasalukuyang pangulo. Wala siyang hawak sa ngayon kundi ang kanyang nakulimbat noong siya ang pangulo ng bansa. Ito ang nagdudumilat na katotohanan.

***

NAPULOT ko lang sa Net:

Planong paghahain ng reklamo laban sa 2025 budget ‘diversionary tactic’ sa impeach VP Sara

Diversionary tactic ang tingin ng mga kongresista sa plano ng mga kaalyado ni Vice President Sara Duterte na maghain ng reklamo laban sa mga lider ng Kamara de Representantes kaugnay ng 2025 national budget.

Ayon kina Deputy Majority Paolo Ortega ng La Union at Assistant Majority Leader Jay Khonghun ng Zambales ang planong paghahain ng reklamo kina Speaker Martin Romualdez, Majority Leader Manuel Jose “Mannix” Dalipe, at dating pinuno ng Appropriations panel na si Zaldy Co kaugnay ng alegasyon ng budget insertions sa 2025 national budget ay isa lamang pamumulitika at layuning pahinain ang liderato ng Kamara.

“Walang basehan ang mga ito, another fantasy at fiction. Obvious na layunin nitong ilihis ang atensyon ng publiko mula sa tunay na isyu – ang impeachment trial ni VP Duterte,” ayon kay Ortega. “Huwag nilang gawing panakip-butas si Speaker Romualdez para takasan ang pananagutan,” saad pa ng mambabatas mula sa La Union.

Sinabi naman ni Khonghun na ang mga alegasyon laban sa Speaker ay isa lamang pagtatangkang siraan ang malaking suporta ng Kamara sa impeachment laban kay Duterte.

“This is nothing more than a desperate move to discredit the impeachment process,” ayon kay Khonghun.

“Speaker Romualdez has been instrumental in ensuring that the rule of law is followed, and now he is being targeted to weaken the case against VP Duterte,” saad pa ng mambabatas.