Advertisers
SIMULA nang maitalaga bilang PNP provincial director ng Oriental Mindoro si PCOL EDISON REVITA at regional director ng Police Regional Office MIMAROPA si PBGEN. ROGER QUESADA ay hindi na nasasawata ang lantarang operasyon ng mga ilegal na sugal tulad ng “color games at drop ball baraha”.
Napag-alaman na pinapayagan ng mga lokal na kapulisan ang operasyon ng mga sugal lupa na ilang taon ng namamayagpag sa naturang lalawigan.
Ayon sa reklamo, para umanong mga kabuteng nagsusulputan ang mga pergalan (perya-sugalan) na kakupetensya ng STL cum jueteng sa nabanggit na lalawigan ang hindi maipaliwanag na dahilan kung bakit hindi ito nasasawata sa hurisdiksyon ni Col Revita at Gen Quesada.
Ayon sa isang magulang na ayaw ipabanggit ng kanyang pangalan, halos mga kabataan at menor de edad ang kadalasang nakikitang nagsusugal sa drop ball baraha at color games na tumataya ng libu-libo.
Base sa sumbong, hindi umano magandang impluwensiya ang natutunan ng mga kabataan sa nasabing sugalan.
Anila, kalimitan sa mga kabataan na pinapayagan mag sugal ay nasa edad 14-anyos pataas kaya naman nananawagan sila kay Oriental Mindoro DepEd Division Superintendent Dr. Maria Luisa D. Servano CESO V1 at DepEd Sec. Sonny Angara maging sa mga local authorities na gumawa agad ng aksyon hinggil sa nasabing ilegal na aktibidad na kinahuhumalingan ng maraming kabataan at estudyante.
Dahil dito, nagpahayag ng pagkadismaya ang ilang sektor sa lalawigan gaya ng mga samahan ng kababaihan, parents and teachers association at simbahan hinggil sa hindi masugpo-sugpo na iligal na sugal kaya nais ng mga ito na ipaabot kay PNP Chief, Rommel Francisco Marbil at DILG Secretary Jonvic Remulla ang kanilang petisyon na ipatigil ang talamak na presensya ng mga pergalan (perya-sugalan) dahil lubosang nalululong dito ang kanilang mga asawa at anak.
Nabatid maging ang mga kaparian, pastor at mga religious sector ay tinutuligsa din ang mga naturang pasugalan na matatagpuan sa mga barangay at bayan ng Naujan, Bongabong, Puerto Galera, Baco, Mansalay, Pinamalayan, Pola, Socorro, Victoria, Roxas, Bongabong, San Teodoro, Mansalay, Bulalacao at Calapan City, Oriental Mindoro na sinasabing kinukunsinte ng mga lokal na opisyal at kapulisan.
Samantala, bukod sa pergalan (perya-sugalan) ay patuloy din na namamayagpag sa labing apat na bayan at isang lungsod ang STL cum jueteng na may basbas diumano ng Palasyo ng Malakanyang kaya nagiging untouchable ito ng walang bumubulabog.
“Isa sa mga dahilan kaya ‘di matinag ang sugal sa Oriental Mindoro dahil sa mga garapal umano na mga “bagman” na alyas Sgt Guco, Sgt. Raymond, Sgt. Hernandez at alyas Nonoy na mga nagpapakilalang mga sagradong tauhan ng S2, R2 at RSOG na nagpapahirap sa mga peryante.” – text ng isang peryante na ayaw banggitin ang kanyang pangalan.
“Sinong gagong tao ang maniniwalang hindi sangkot sa opisyo ng iligal na sugal itong mga police officials kung ganireng mga mamamayang mindoreño ang kumokondena sa gabi-gabing sugal na drop ball baraha at color games na inaabot ng madaling araw.” – text ng peryante
Tutukan natin!
***
Kung may tanong, suhestiyon o komento ’wag mag-atubiling tumawag o mag-text sa numerong 0939-7177977 at 0936-8625001 o di kaya mag-email banderapilipino@yahoo.com/balyador69@gmail.com.