Advertisers
PIRMADO na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Executive Order (EO) No. 83 na naglalayong bawasan at i-condone ang real property tax (RPT), kabilang ang mga interes at multa, na ipinapataw sa mga power generation facilities ng mga Independent Power Producers (IPPs) na may kasunduan sa ilalim ng Build-Operate-Transfer (BOT) scheme sa mga government-owned and-controlled corporations (GOCCs).
Batay sa EO No. 83, babawasan ang RPT para sa taong 2024 sa halagang katumbas ng buwis na nakalkula gamit ang assessment level na 15% ng fair market value ng mga ari-ariang ginagamit sa produksyon ng kuryente, na may depreciation rate na 2% taun-taon.
Bukod dito, binura na rin ang anumang interes at multa na may kinalaman sa hindi nabayarang RPT ng mga IPPs.
Ipinunto sa direktiba ng Pangulo na ang paniningil ng buwis sa pinakamataas na assessment level na 80% ay maaaring magdulot ng malalaking pasanin sa National Power Corporation (NAPOCOR) at Power Sector Assets and Liabilities Management (PSALM) Corporation, na siyang may kontraktwal na pananagutan sa pagbabayad ng bahagi ng mga buwis na ito.
Binanggit din sa EO No. 83 na ang pagpapatupad ng mataas na RPT ay maaaring magdulot ng seryosong banta sa katatagan ng presyo ng kuryente at sa suplay ng kuryente sa bansa, lalo na’t may kabuuang kapasidad na 3,100 megawatts ang maaaring maapektuhan kung titigil ang operasyon ng mga IPPs.
Kasabay nito, inatasan naman ang Department of the Interior and Local Government (DILG) at Department of Finance (DOF) na tiyakin ang pagtalima ng mga lokal na pamahalaan sa kautusan.
Kinakailangan ding magsumite ang DOF ng report sa Pangulo sa loob ng anim na buwan kaugnay ng implementasyon ng EO No. 83.
Agad na magiging epektibo ang kautusan na may petsang Pebrero 13 matapos itong mailathala sa Official Gazette o sa isang pahayagang may malawakang sirkulasyon. (Gilbert Perdez)