Advertisers
MALINAW na ang muling pagbuhay sa Ilog Pasig ay isang adhikaing “simple ngunit mahirap.”
Ito ang sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang talumpati sa inagurasyon ng Phase 3 ng rehabilitasyon ng ilog sa ilalim ng programang “Pasig Bigyang Buhay Muli.”
Hindi lamang tungkol sa paglilinis at pagsasaayos ng ilog ang proyekto kundi pati na rin sa pagbabalik nito bilang isang mahalagang bahagi ng kultura, kasaysayan, at transportasyon ng bansa.
Sa pangunguna ng Inter-Agency Council for the Pasig River Urban Development, katuwang ang Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD), Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), at Department of Tourism (DOT), unti-unting naisasakatuparan ang hangaring ito.
Mahalagang bahagi ng proyektong ito ang esplanade na ngayon ay kinagigiliwan ng mga kabataan, partikular na ng mga Gen Z at Gen Alpha, na ginagamit itong backdrop para sa kanilang social media content.
Ang patuloy na pagsasagawa ng mga pampublikong espasyo tulad ng Plaza Mexico at Maestranza Boardwalk ay patunay ng pagsisikap ng pamahalaan na gawing ligtas, maaliwalas, at kapaki-pakinabang muli ang mga pampang ng Ilog Pasig.
Hindi maikakaila na malaki ang epekto ng programang ito sa pagpapayabong ng turismo, negosyo, at kalidad ng buhay sa Maynila. Ang mas pinalawak na espasyo para sa paglalakad, pagsasaya, at pagtitipon ay hindi lamang nakatutulong sa rehabilitasyon ng ilog kundi pati na rin sa pagpapalakas ng lokal na ekonomiya.
Sa pangunguna ni First Lady Louise Araneta-Marcos, na may malalim na pagpapahalaga sa kasaysayan at kultura, nagkakaroon ng mas matibay na pundasyon ang layuning gawing sentro ng pagkakakilanlan ng bansa ang Ilog Pasig.
Subalit, mahalaga ang patuloy na pakikiisa ng publiko sa pangangalaga sa ilog upang mapanatili ang kalinisan at kaayusan nito. Ang muling pagbuhay sa Pasig River ay hindi lamang responsibilidad ng pamahalaan kundi ng bawat Pilipino.
Ang rehabilitasyon ng Ilog Pasig ay higit pa sa isang proyekto—ito ay isang simbolo ng pagbabago, pagkakaisa, at muling pagbabalik ng sigla sa puso ng ating bansa.
***
Catch Gilbert Perdez’s “Barangay 882” radio show every Saturday from 4:00 PM to 5:00 PM. Tune in via ALIW Channel 23, DWIZ AM Radio, DWIZ 882 Facebook page, or DWIZ ON-DEMAND on YouTube. You can contact him via email at gil.playwright@gmail.com or through this number: 0991-3543676.