TRABAHO Partylist isinusulong ang mas mataas na sahod at abot-kayang housing loans sa gitna ng rising housing costs
Advertisers
Muling ipinahayag ng TRABAHO Partylist ang kanilang dedikasyon sa pagpapabuti ng kalidad ng buhay at katatagan ng pananalapi ng mga manggagawang Pilipino sa pamamagitan ng pagsusulong ng mas mataas na sahod, pinalawak na benepisyo, at mas magandang akses sa abot-kayang pautang sa pabahay.
Ito ay kasunod ng mga ulat tungkol sa lumalalang suliranin sa pagmamay-ari ng bahay sa bansa, dulot ng patuloy na pagtaas ng halaga ng mga ari-arian at pananatiling mababa ng sahod ng mga manggagawa.
Ayon kay TRABAHO Partylist spokesperson Atty. Mitchell-David L. Espiritu, patuloy na lumalaki ang agwat sa pagitan ng kinikita ng mga manggagawa at gastusin sa pabahay. Dahil dito, isinusulong ng TRABAHO Partylist ang isang makatotohanang “living wage” na hindi lamang sasapat sa pang-araw-araw na pangangailangan kundi pati na rin sa pangmatagalang layunin gaya ng pagmamay-ari ng bahay.
Aniya, ang kasalukuyang mababang sahod ay isang pangunahing hadlang sa pagkamit ng katiyakan sa pananalapi ng maraming Pilipino.
Upang maisakatuparan ito, nananawagan ang TRABAHO Partylist ng mas matibay na koordinasyon sa pagitan ng mga ahensya ng gobyerno at pribadong sektor.
Sinusuportahan nila ang pakikipagtulungan ng Department of Labor and Employment (DOLE), Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD), at Pag-IBIG upang makapagtatag ng mas inklusibong mga programa sa pabahay.
Kasama rito ang employer-assisted home loan schemes kung saan maaaring tumulong ang mga kumpanya sa pagsu-subsidize ng down payment o sa pamamagitan ng salary-deducted payment plans na may koordinasyon sa mga inisyatiba sa pabahay ng gobyerno.
Sa pribadong sektor, nakikita ng TRABAHO Partylist ang oportunidad para sa pakikipagtulungan sa mga real estate developer, bangko, at iba pang institusyong pampinansyal upang makabuo ng housing packages na iniakma para sa mga manggagawang mababa at katamtaman ang kita.
Bukod sa sahod at tulong sa pabahay, binigyang-diin din ni Atty. Espiritu na nananatiling nakatuon ang TRABAHO Partylist sa pangkalahatang pagpapalakas ng ekonomiya. Patuloy nilang isinusulong ang mas malaking suporta ng gobyerno sa paglikha ng trabaho, pagsasanay sa kasanayan, at pagbibigay ng tulong pinansyal para sa maliliit na negosyo. Ang mga hakbang na ito ay bahagi ng mas malawak na misyon ng TRABAHO Partylist na iangat ang antas ng pamumuhay ng mga manggagawa sa pamamagitan ng pagbibigay ng oportunidad para sa pangmatagalang trabaho at social advancement.