Advertisers
Ngayong 2025 midterm elections, nahaharap si Senator Imee Marcos sa isang matinding pagsubok na maaaring humantong sa kanyang pagkatalo.
Ang kanyang hindi malinaw na paninindigan sa pagitan ng kanyang kapatid na si Pangulong Bongbong Marcos at malapit na kaibigan na si Vice President Sara Duterte ay nagdudulot ng kalituhan sa kanyang mga tagasuporta at dahil dito’y maaaring humina ang kanyang tsansa sa eleksiyon.
Sa maraming pagkakataon, napupuna ng nakararami na tila’y namamangka sa dalawang ilog ang senadora.
Matatandaang noong Oktubre 2024, nagbanta si Duterte na ipahukay ang labi ng kanilang ama, si dating Pangulong Ferdinand Marcos, Sr., mula sa Libingan ng mga Bayani kung hindi ititigil ng House of Representatives ang imbestigasyon sa paggamit ng pondo ni VP Sara.
Sa kabila ng pagyurak sa dangal ng kanyang ama, nanatili si Imee sa panig ni Sara. Nagpahayag pa nga siya ng pagtutol sa impeachment trial kahit naghuhumindig ang mga ebidensiya laban sa Bise Presidente.
Nang arestuhin naman si dating Pangulong Rodrigo Duterte ng International Criminal Court (ICC) dahil sa mga alegasyon ng mga pagpatay at krimen laban sa sangkatauhan, muling ipinamalas ni Imee ang kanyang suporta sa mga Duterte sa halip na pumanig sa administrasyon ng kanyang kapatid. Hiniling pa niya ang isang agarang imbestigasyon ng Senado ukol sa pag-aresto, na lalong nagpatingkad sa kanyang hindi tiyak na paninindigan.
Kamakailan, hindi dumalo si Imee sa kampanya ng administrasyon na “Alyansa Para sa Bagong Pilipinas” sa Tacloban noong Marso 14, 2025. Sa kanyang pahayag, humingi siya ng paumanhin sa mga Waray at sinabi na hindi niya matanggap ang nangyari kay dating Pangulong Duterte, na inaresto ng ICC noong Marso 11. Aniya’y pinag-aaralan niya ang mga pangyayari upang maliwanagan ang sambayanan at makabuo ng makatotohanang solusyon patungkol sa sinasabing “pagtangay” sa dating pangulo.
Ang ganitong estratehiya ni Imee ay tila hindi epektibo, lalo na’t pababa nang pababa ang kanyang ranggo sa mga pre-election surveys.
Ipinahayag niya ang kanyang pagkadismaya sa kanyang pagbaba sa survey rankings, ngunit sa halip na magsagawa ng agresibong kampanya, mas pinili niyang manalangin para sa “The Punisher” kaysa tutukan ang mga resulta ng survey.
Ang kakulangan ng matibay na paninindigan ni Imee ay maaaring nagpapahina sa kanyang kampanya. Sa politika, mahalaga ang pagiging matapat sa prinsipyo upang makuha ang malawak na suporta ng publiko. Ang kanyang pag-aalangan at pag-iwas sa pagdedesisyon sa pagitan ng dalawang makapangyarihang puwersa sa politika ay maaaring magdulot ng pagkawala ng tiwala ng mga botante—isang sitwasyong siguradong magreresulta sa kanyang pagkatalo sa darating na halalan sa Mayo.