Advertisers
Ni BLESSIE K. CIRERA
INAMIN ni Rhian Ramos ang pagkahilig niya sa musika lalo na sa.pagda-drum kaya anya siya napasok sa showbiz.
Tsika ito ni Rhian sa idinaos kamakailan na mediacon para sa pelikulang Sinagtala mula sa bagong produksyon na Sinagtala Films at mula sa direksyon ni Mike Sandejas.
Sey pa ni Rhian, hindi raw niya kayang makabili ng drum set noon kaya siya nag-artista. Gusto umano niyang maging drummer at dahil mahal ito ay ang pag-aartista lang ang naging kasagutan sa kanya.
Hindi naman naiwasan ni Glaiza de Castro na mapaiyak dahil ang musika anya ang nagpapasaya sa kanilang pamilya at para sa kanya ay ito ang sumalba sa kanilang buhay.
Kasama rin sa cast ng Sinagtala na may temang musical-drama sina Rayver Cruz, Matt Lozano at Arci Munoz.
Pahayag pa ng mga bida, mabigat umano ang pinagdaanan ng mga karakter nila sa pelikula at kinailangan nilang aralin ang mga ito upang epektibong lumabas na makatotohanan ang kanilang mga ginampanang papel.
At dahil may banyagang mister na, hiling ni Glaiza sa Panginoong Diyos na pagkalooban na sila ng anak at para sa kanya ay handa na anya siyang maging ina.
Sey naman ni Rayver, malaki umano ang utang na loob niya sa syotang si Julie Anne San Jose dahil maliban sa inspirasyon niya ito, nagkaroon pa raw siya ng libreng voice coach kaya nagkaroon siya ng kumpyansa sa pagkanta.
Pahayag naman ni Arci, pangarap umano niya ang maging environment advocate at nais talaga niyang mag-focus sa kanyang career.
Sinabi pa ng apat na bida sa Sinagtala na hinaplos umano ng pelikula ang bawat isa sa kanila kaya umaasa sila na maiibigan ito ng mga manonood.
Kaya sugod na sa mga paborito nyong sinehan at panuorin ang Sinagtala sa April 2, 2025.