Advertisers

Advertisers

SIBAKIN SI GUEVARRA

0 48

Advertisers

DUMATING sa punto na kailangan sibakin ni BBM bilang solicitor general si Menardo Guevarra. Hindi na siya akmang abogado ng pamahalaan si Guevarra. Hindi na siya normal bilang hepe ng Office of the Solicitor General. Kung may natitirang dangal sa kanya, marapat siyang magbitiw, ngunit mukhang nangangailangan ng trabaho si Guevarra at ayaw magbitiw.

Kailangan magdesisyon si BBM. Agarang sibakin si Guevarra at tingnan natin kung sasama siya sa defense team ni Gongdi sa The Hague. Wala kaming pangamba kay Menardo dahil hindi siya kagalingan bilang abogado. Tulad siya ng mga mahihinang abogado na dumikit kay Gongdi. Wala siyang itinatagong galing, sa totoo lang.

Mahirap siyang manatili bilang abogado ng gobyerni BBM. Sumasalungat siya sa posisyon ng gobyerno at kapag salungat sa kanyang paniniwala ay hindi na niya tatayuan sa anumang forum. Hindi maganda ang ganitong ugali ni Guevarra kaya panahon na upang umalis na siya sa gobyerno. Hindi siya bagay na maging kinatawan ng gobyerno sa mga usaping legal.



Maraming maaaring ipalit sa kanya. Hindi siya kawalan. At tahasang sinasabi namin na mas magaling sa kanya ang nasa labas ng gobyerno. O maaaring i-promote na lang ni BBM ang isa sa kanyang mga tenyente sa gobyerno. Kailangan na rin linisin ni BBM ang kanyang gobyerno at alisin at palitan ang mga opisyales na ang katapatan ay kay Gongdi. Wala silang silbi at wala silang dahilan na manatili sa gobyerno.
***
NAKAKATAWANG isipin na ang panawagan ng mga DDS na ibalik sa Filipinas si Gongdi ay sinasagot ng mga kabilang sa puwersang demokratiko ng kakaibang mensahe: Ibalik si Harry Roque sa bansa. Mukhang hindi susulong ang hiling ni Roque ng political asylum. Kahit si Sara Duterte ay nainis sa kanyang agenda. Imbes na tumulong bilang abogadong magtatanggol sa amang si Gongdi na kasalukuyang nakapiit sa ICC, inuna ni Harry ang sarili at humingi ng political asylum sa gobyerno ng The Netherlands.

Unahin mo na muna ang asylum mo, ani Sara kay Roque. Hindi siya isinama sa defense team ni Nicholas Kaufmann, ang abogadong British Israeli na ipinahayag na mangunguna sa defense team ni Gongdi. Nag-iisa si Kaufmann sa defense team at dahil magaling si Kaufmann, hindi niya isasama si Harry na pipitsugin. Kukuha ng magagaling na abogado upang bubuo ng matinding team si Kaufmann.

Hindi namin nakikita na bibigyan ng asylum si Roque. Hindi uto-uto at baliw ang gobyerno ng The Netherlands para bigyan siya ng asylum. Ang nakikita namin ay pagbabalik ng The Netherlands kay Roque sa Filipinas. Anumang oras, isusumite ng DoJ sa hukuman ang sakdal na naunang isinumite ng NBI sa kanila. Kapag nakarating sa husgado ang kaso ni Roque, nakikita namin ang pagbaba ng arrest warrant laban sa kanya.

Walang piyansa ang hablang qualified human trafficking na kinahaharap ni Roque. Ang ibig sabihin ay diretso sa kalaboso si Roque. Takot si Roque sa posibilidad na iyan. Takot siyang makulong. Sobrang takot ang bumabalot sa kanyang buong pagkatao.
* **
MUKHANG batid ni Bato dela Rosa na matutuluyan siya. May bababang arrest warrant sa kanya at tutuloy siya sa bilangguan tulad ni Gongdi. Maaaring manalo siya sa halalan pero hindi siya makakaupo at makababalik sa Senado. Tapos na ang maliligayang araw ni Bato.

Hindi namin nakikita na makakaahon si Bato sa gusot na kanyang kinahaharap. Ito ang dahilan kung bakit mainit ang ulo ni Bato. Hindi siya bibigayn ng proteksyon ni BBM. Tulad ni Gongdi, isusuko siya sa Interpol sa sandaling bumaba ang arrest warrant niya. Tulkad ni Gongdi, mamamatay tao si Bato. Siya ang lumagda sa memorandum circular na naglunsad ng Project Double Barrel kung saan libo-libo ang kanilang pinatay kaugnay sa war on drugs ni Gongdi.



Alam ni Bato ang kasalanan niya sa sambayanan. Hinahabol siya ng kanyang budhi at ng kaluluwa na kanyang ipinapatay ng walang kalaban-laban. Alam niya na mabubulok siya sa bilibid tulad ng kanyang amo na si Gongdi. Hindi kami nanghihinayang kay Bato. Isa siya sa pinakamahinang senador ng bansa.
***
SANG-AYON kami sa posisyon ng DoJ hinggil sa petisyon na habeas corpus na inihain ng kampo ni Gongdi sa Korte Suprema. Walang poder ang gobyerno upang hingin sa ICC na ibalik si Gongdi sa Filipinas. Nasa The Netherlands na si Gongdi at pinakamabuti na hayaan gumulong ang proseso ng ICC sa dating pangulo na nasasakdal sa crimes against humanity sa ICC.

Tapos na ang kaso at walang magagawa ang gobyerno ng Filipinas dahil na sa kanilang kamay si Gongdi. Ito ang humihiyaw na katotohanan at dapat maintindihan ito ng mga kaanak ni Gongdi. Si Sal Panelo lang naman ang nag-isip nito at hindi siya nalalayo sa kalibre ni Harry Roque. Wala rin siyang itinatagong galing.

***

Email:bootsfra@gmail.com