Advertisers

Advertisers

Eric laging ipinagdarasal si Kris

0 18

Advertisers

Ni Archie Liao

ISA ang magaling na aktor-director na si Eric Quizon sa nalulungkot sa pinagdadanan ng kaibigang si Kris Aquino sa kasalukuyan.

Katunayan, lagi raw niyang ipinagdarasal ito lalo na ang kalusugan nito.



“Hindi ko siya nakukumusta lately but she is always in my prayers. Kris has suffered so much at pag iniisip mo ang kanyang mga pinagdaanan or someone you love, malulungkot ka talaga. Pero alam ko, si Tita Dolor, (his manager) she always keep in touch. Just like what I’ve said, she’s always in my prayers,” aniya.

Nagbigay din siya ng pahayag sa balitang ibinenta na ng ABS-CBN ang malaking bahagi ng ari-arian nito sa Ayala Land, Inc.

Ayon kasi sa ulat, sakop ng bentahan ang studio ng “It’s Showtime” at ang iconic Dolphy Theater.

Dahil din sa nasabing bentahan, may mga balitang ide-demolish na rin ang mga nabanggit na istruktura sa dating network na nawalan ng prangkisa.

“I feel sad pero actually pinarating ko rin sa kanila na kung gigibain nila, iyong isang emblem, (with my Dad) pupuwedeng ibigay na lang nila sa amin,” ani Eric. “Sabi ni Tita Cory (Vidanes), pinag-uusapan pa raw nila pero matagal pa raw naman iyon. I think gigibain siya pero ililipat ata sa Bulacan,” dugtong niya.



Sa ngayon, hindi pa rin daw niya alam ang plano ng bagong may-ari ng property.

“Di ko pa alam. That I don’t know. Pero iyon nga, iyong memorabilia ng Dad baka magamit nila pag lumipat sila,” pahayag niya.

Naiintindihan daw naman nila kung di sila kinonsulta sa bilihang naganap.

“Una sa lahat, pagmamay-ari naman nila iyon. The Dolphy theater was given to him in honor of him,” bulalas niya.

Hindi naman niya ikinailang posibleng makaramdam siya ng pangungulila sa napapabalitang demolisyon ng teatrong itinayo para parangalan ang amang si Dolphy.

“Siyempre, nostalgic. Di ko alam kung maiiyak ako. I have the best memories with ABS. Nag-work ako sa ABS. Dinala ang body ng Daddy sa Dolphy Theater. Maraming naganap sa Dolphy Theater, both work at iyong malulungkot na nangyari sa buhay namin,” deklara niya.

“My Dad was part and parcel of ABS. Iyong history ng ABS kasama siya roon. He had a very good relationship with the Lopezes. It’s more on the legacy not only of my Dad but also of ABS,” pahabol niya.

Si Eric ay nagbabalik sa pelikulang “Jackstone 5”, isang masaya at makabagbag-damdaming kuwento ng pagkakaibigan ng limang bading.

Sa obrang ito, gagampanan niya ang papel ni Felicity, isang drama queen na biktima ng marahas na kalupitan ng ama dahil sa kanyang kabaklaan.

Ito ang mag-uudyok sa kanya upang hanapin ang kapalaran sa ibang bansa bilang OFW.

Mula sa produksyon ng Royal Star Media Productions, tampok din sa pelikula sina Gardo Verzosa, Arnell Ignacio, Jim Pebanco at Joel Lamangan.

Ito ay mula sa iskrip ni Eric Ramos at sa direksyon ni Joel Lamangan.