Advertisers
Silbing aral sa lahat ng mga kumakandidatong politiko ngayong malapit na ang MAY 2025 ELECTIONS sa ating bansa na ang paglilitanya ng GREEN JOKES ay magdudulot ng negatibo sa kampanya na magagamit ng mga kalaban sa kandidatura upang mapatanggal sa COMMISSION ON ELECTIONS (COMELEC) ang kanilang makakatunggali sa araw ng halalan.
Tulad sa sinapit ni PASIG CITY CONGRESSIONAL CANDIDATE ATTY. IAN SIA na kilala ng kaniyang mga ka-lungsod sa pagiging palabiro ay nadale sa kaniyang isang naging GREEN JOKE na ginamit ng kaniyang mga katunggali para iprotesta at hilinging ma-disqualify siya sa pagiging KANDIDATO sa kanilang SIYUDAD.
Sa isang campaign sortie ng grupo ni ATTY. SIA ay naglitanya ito ng pagbibiro na.., “minsan sa isang taon, ang mga solo parent na babae na nireregla po at nalulungkot, minsan sa isang taon puwedeng sumiping sa akin.., ‘ na pinasundan naman niya ng litanyang… “nagbibiro lang po ako, may-asawa na ako, maglaway na sila hindi nila ako matitikman.”
Nag-viral ang video.. siyempre sasamantalahin iyon ng mga supporter ng mga kandidatong katunggali at nag-atas naman ang COMELEC na si ATTY. SIA ay kailangang magpaliwanag sa loob ng 3-araw hinggil sa isyu.
Bunsod sa isyu ay nagpakumbabang huminge ng paumanhin si ATTY. SIA sa pagsasabing.., “I’m sorry po na lumabis ang aking mga salita at mali po ang napili kong biro para magpatawa sa isang political caucus.., inaako ko po ang responsibilidad sa pagbibitaw ng maling biro.”
Mga ka-ARYA.., sa mga campaign sortie ay kinakailangang maging maingat sa bitaw ng mga pagbibiro dahil kahit kilala ang isang KANDIDATO sa pagiging palabiro ay sasamantalahin ito ng mga katunggali o tagasuporta ng mga kalaban na ang mga video ay ini-edit-edit pa para maipalabas ang eksenang nanlalait na ng isang sektor.., na ito ay taktika ng maraming POLITICIANS para ma-eliminate ang kanilang katunggali sa kandidatura at mailihis ang mga suliraning bumabalumbon sa kani-kanilang mga bayan o lungsod.
Naipunto ni ATTY. SIA na minamaniobra umano ng kanilang mga katunggali ang isyu upang mailihis ang tunay na usapin tulad sa kakulangan sa SOCIAL SERVICES para sa PASIGUEÑOS.., na aniya ay “sa halip na nakahiga ang mga pasyente sa kama sa PASIG CITY GENERAL HOSPITAL, ang pasyente pa ang magdadala ng kanilang upuan, electric fan at unan.., isang kaawa-awang tanawin kung mapapasyalan lamang ng media ang ospital,” at maging sa edukasyon ay patapos na ang school year ay ngayon pa lamang daw ipinamimigay ang mga libreng school supplies, sapatos, bag at iba pa na hindi na mapakikinabangan ng mga estudyante.
Sa isyu ng moralidad ay ang kampo umano ni PASIG CITY MAYOR VICO SOTTO ang may pinakamababang moralidad kung pagbabasehan ang tunay na mga pangyayari at hindi ang kaniyang pagbibiro.., na ang tinutukoy ni ATTY SIA ay ang VIRAL VIDEO ng mga umano’y 3-kaalyado ni SOTTO kung saan ay kita sa nasabing SEX VIDEO ang malaswang ginawa ng mga ito sa isang babaeng nagpakilalang prostitute.., kaya nasambit nito ang litanyang.., “naglabas sila ng pagkondena sa biro ko pero hindi muna tinitingnan ang sariling ‘baho’ ng kanilang mga kasama sa slate.”
Sa pagpupunto ni ATTY SIA ay hindi umano siya maglalakas-loob na haharap sa mga PASIGUEÑO kung siya ay may itinatagong ‘baho’.., na ang pagbibiro ay dapat manatiling biro.., na aniya pa ay wala siyang masamang intensiyon sa binitiwan niyang biro kaugnay sa mga solo parents kasunod ang naging pagpapakumbaba nito sa paghingi ng paumanhin hinggil sa isyu!”
***
Kung may reaksiyon lalo na sa mga nakakanti ng ating kolum ay maaari po kayong mag-email sa corpuzirwin074@gmail.com para sa inyo pong mga panig.