Advertisers
ISA umanong drug courier ang napatay habang tatlo pa ang naaresto mula sa isinagawang drug buy-bust operation sa Barangay San Antonio, Paranaque City, ayon sa ulat ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) nitong Huwebes.
Sa isang pahayag, kinilala ng pulisya ang 32-anyos na napatay na suspek na si “Sady” habang ang mga nahuli nitong kasama ay sina “Lala,” 26; “Allan,” 34; at “Binny,” 23.
Nabatid sa inisyal na imbestigasyon, ang insidente ay naganap sa 506 A, Goodwill 3, Brgy San Antonio, Kung saan apat na ahente ng PDEA ang sugatan sa operasyon noong Miyerkules ng hapon.
Sinabi ng PDEA na sumasailalim sila sa medikal na paggamot. Nasamsam ng mga awtoridad ang apat na plastic bag na may kabuuang 4.2 kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng humigit-kumulang P28.56 milyon.
Narekober din ang isang sasakyan, mga cellular phone, hindi matukoy na halaga ng buy-bust money, mga identification card, drug paraphernalia, isang baril, bala, at ilang mga dokumento.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong possession and sale of illegal drugs sa ilalim ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (JOJO SADIWA)