Advertisers

Advertisers

Bong Go: FPRRD inalisan ng dangal, PH tinanggalan ng dignidad

0 10

Advertisers

“Hindi lang nila tinanggalan ng dangal si Tatay Digong, kundi tinanggalan din ng dignidad ang buong bansa.”

Ito ang naging sentimyento ni Senator Christopher “Bong” Go sa pagdinig ng Senate committee on foreign relations ukol sa pag-aresto at pagsusuko kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC).

Ayon kay Go, kitang-kita ang kalkuladong galaw at pag-execute ng mabilis na pagdakip sa dating Pangulo at hanggang ngayon ay hindi pa rin nasasagot ang mga ligal na tanong sa nangyari.



“Let’s call a spade a spade. Gusto talaga nilang i-surrender sa ICC si Tatay Digong. Wala na pong palusot. Halatang-halata. Mabilis pa sa alas kwatro ang kilos nila,” ani Go sa hearing na pinamunuan ni Presidential sister Imee Marcos.

“Madam Chair, marami pong tanong ang hindi pa rin nasasagot. Kung hindi kinikilala ng gobyerno ang ICC, bakit biglang sinunod ang utos nito? Ginamit lang bang palusot ang Interpol? E wala namang Red Notice. Bakit parang palihim at minadali ang lahat?” sabi pa ni Go sa ikatlong pagdinig na dinaluhan nina Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo, Philippine National Police (PNP) chief, Gen. Rommel Marbil, at iba pa.

Idiiniin ni Go na batay sa sariling website ng Interpol, may 11 Filipino nationals na kasalukuyang may “Red Notices” subalit ni isa sa mga ito ay hindi dumanas ng katulad na aksyon laban kay Duterte.

“Labing-isa ang may Red Notice pero wala tayong naririnig. Bakit ngayon, sa kaso ni Tatay Digong, parang biglang naging masunurin ang mga otoridad? May mga warrant d’yan na ilang taon nang hindi naipatutupad. Pero ito, katorse oras lang, tapos na,” ang kastigo ni Go.

Ayon sa senador, maging si Vice President Sara Duterte ay hinarang na makapasok sa Villamor Airbase nang makiusap sila na alamin ang kondisyon ng kalusugan ng dating Pangulo.



Inilarawan ni Go ang dating Presidente na mahina at sakitin na subalit dumanas pa rin ng kalupitan ng mga opisyal ng gobyerno nang dalhin siya sa ibang bansa na hindi iginagalang ang karapatang mabigyan ng medical treatment, makonsulta ang legal counsel na gusto niya, gaya ni VP Sara Duterte na anak at “immediate family” ng dating pinuno.

“Harmless na po si Tatay Digong. Hirap na s’yang maglakad, pati pagtali ng medyas at sintas, hindi n’ya magawa. Ang sakit pong makita na ‘yung taong ibinuhos ang buong buhay sa serbisyo ay pinabayaan sa banyagang lupa,” ang himutok ng senador na itinuturing na ama at mentor ang dating Pangulo.

Pinuna rin ni Go ang aniya’y “selective implementation” ng international warrants at ang “double standard” na ginawa sa kaso ni Duterte.

Maging si retired Supreme Court Justice Adolfo Azcuna ay nagbabala na ang biglaang pagsuko kay Duterte nang walang paglilitis sa lokal na korte ay maaaring isang “pang-aabuso sa proseso” at ito’y malaking hamon mismo sa ICC.

Pinanindigan ni Go na masyadong niyurakan ang due process sa bansa sa pag-aresto kay Duterte.

“Hindi tayo mga abogado lahat, pero malinaw naman—may nilabag. Hindi p’wedeng basta na lang dakpin ang isang mamamayan, lalo na’t dating Pangulo, nang walang malinaw na basehan. Saan sa batas nakasaad ‘yan?” tanong niya.

“Lumalabas tuloy na hindi lang nila tinanggalan ng dangal si Tatay Digong, kundi tinanggalan din ng dignidad ang buong bansa.”

Muling inulit ni Senator Go ang panawagan na dapat ibalik sa Pilipinas si Duterte at hayaang ang sarili nitong judicial system ang lumitis sa kanya.

“May korte tayo. May batas tayo. At higit sa lahat, Pilipino ang dapat humusga,” idiniin ng senador.