Advertisers
Habang nagsisiuwian ang karamihan sa kanilang mga probinsya para ipagdiwang ang Kuwaresma, nanawagan si Senator Christopher “Bong” Go sa publiko na mag-ingat, maglaan ng oras sa pagmumuni at palakasin ang kanilang pananampalataya ngayong Semana Santa.
Pinaalalahanan din ni Go ang mga Pilipino na unahin ang kaligtasan, lalo sa paglalakbay sa mga probinsya para makasama ang kanilang mga pamilya tuwing bakasyon. Binigyang-diin niya na ang Semana Santa, habang panahon ng pahinga at pagsasama-sama, ay dapat ding sundin nang may disiplina.
“Marami po sa ating mga kababayan ang uuwi sa kanilang mga probinsya para makasama ang pamilya at makapagnilay ngayong Mahal na Araw. Kaya paalala ko po: mag-ingat po tayong lahat sa ating mga biyahe,” sabi ni Go.
“Ang kaligtasan ninyo ay mahalaga. Huwag po tayong magpakakampante, lalo’t maraming tao ang bumibiyahe ngayon. Maging alerto at responsable sa lahat ng oras,” dagdag niya.
Higit sa pisikal na kaligtasan, hinikayat ni Go ang mga Pilipino na samantalahin ang kabanalan ng Semana Santa upang pagnilayan ang kanilang espirituwal na buhay at muling kumonekta sa kanilang pananampalataya.
Ang panahon na ito aniya, ay panahon para alalahanin ang mga sakripisyo ni Jesu-Kristo at makahanap ng panibagong layunin sa buhay.
“Sa gitna ng katahimikan ng Semana Santa, gamitin po natin ang pagkakataong ito para magnilay-nilay. Magdasal tayo, magpasalamat, at humingi ng lakas ng loob para sa mga pagsubok sa buhay,” sabi ni Go.
At bilang chairman ng Senate committee on health, ipinaalala din ni Go sa publiko na patuloy na sundin ang mga basic health protocols, partikular sa matataong lugar tulad ng mga simbahan at pilgrimage sites.
“Panatilihin natin ang kalinisan at disiplina sa sarili. Magsuot ng mask kung kinakailangan, maghugas ng kamay, at iwasan ang masyadong siksikan. Ang kalusugan ay kayamanan, lalo na sa ganitong panahon,” paalala niya.