Advertisers
BINABASA ninyo ito, nasampahan na ng reklamo sa COMELEC Main Office si Laguna Governor Ramil Hernandez sa akusasyon ng ‘vote buying’ at “pagwawaldas” (‘waste of government resources’) matapos “mamudmod” ng mga ‘health cards’ sa mga botante na ang badyet ay galing naman sa “kaban” ng lalawigan.
Mismong mga residente ng Cabuyao ang “humuli” sa isang bataan ni Gob habang bitbit ang higit 200-piraso ng health cards para ipamigay sa mga tao; COMELEC naman mismo ang nakabuking nang ginagawang “paghakot” sa mga libo-libong botante upang mabigyan umano ng ’poll watchers’ orientation’ na sobra-sobra ang bilang sa itinatakda ng batas.
Anang COMELEC, may “presumption of vote buying” ang mga galaw nitong kampo ni Gob, aguy!
Sinabi rin ng COMELEC na humahaba ang kanilang “listahan” ng mga lokal na opisyal at kandidato na pondo ng kanilang LGUs ang ginagamit sa kanilang pangangampanya, katulad ng estilo nitong si Gob Ramil.
Isa sa trapong pamilya sa pulitika itong pamilya ni Gob na nang “makitikim” ng kapangyarihan, aba’y ayaw nang bumitaw!
Wala namang masama KUNG sadyang nakikitaan ng kasipagan at dedikasyon sa tungkulin ang mga kandidato sa panahong nasa poder sila ng kapangyarihan.
Aber, sa 3-termino ba ni Gob Ramil sa Kapitolyo sa Sta. Cruz, umasenso, natanyag ba ang Laguna? Umasenso ba? O ang pamilya lang niya at mga kapanalig ang umasenso?
Marahil din ay “ginusto” na ni ‘Lord’ na mabisto itong mga estilong panis ng mga katulad nitong si Gob Ramil bilang “mensahe” sa mga botante na maging matalino na at ibasura ang mga kandidatong katulad niya.
Harinawa rin na mabilis aksyunan ng COMELEC ang reklamo kay Gob at sa iba pang mga inireklamo ng pang-aabuso sa kapangyarihan.