Advertisers

Advertisers

Halos 200 landless Manileños, ginawaran ng titulo ng kanilang sariling lote ni Mayor Honey

0 6

Advertisers

TOTOO at TAPAT sa kanyang pangako, halos 200 pamilyang Manileños ang pinagkalooban ni Mayor Honey Lacuna ng mga titulo ng kanilang sariling lote. Ang bilang na ito ay umabot na sa 970 na mga pamilyang walang sariling lupa na napagkalooban na ng kanilang sariling lote ng pamahalaang lungsod. Ito rin ang pinakamataas na bilang na nakinabang sa programa ng pamahalaan simula pa noong panahon ni Mayor Alfredo S. Lim.

Ang pag-a-award ng lote sa ilalim ng programang “Land for the Landless Program” ng pamahalaang lokal ay ginawa sa Manila City Hall, kasama sina Vice Mayor Yul Servo, Secretary to the Mayor Marlon Lacson, City Engineer Moises Alcantara at Manila Urban Settlements Office (MUSO) chief Atty. Danilo de Guzman .

Sinabi ni Lacuna na ang pag-a-award ng mga lote sa mga pamilya sa Maynila kung saan ang mga bahay ay nakatayo sa loteng ‘di nila pag-aari ay tuloy tuloy na gawain sa lungsod.



“Ang pamamahagi ng lupa ay bahagi ng patuloy na adbokasiya ng lungsod na bigyan ng seguridad sa paninirahan ang mga pamilyang matagal nang naninirahan sa lungsod ngunit walang sariling lupang tinatayuan. Nauunawaan natin ang kahalagahan ng pagkakaroon ng sariling tahanan, kaya naman hindi kami tumitigil sa paghahanap ng mga paraan upang matulungan ang ating mga kababayan,” saad ni Lacuna.

Sinabi ni Servo na ang patuloy na pag-a-award ng lote ay isang katibayan na ang lokal na pamahalaan sa ilalim ni Lacuna ay tinutugunan ang matagal ng suliranin ng mga squatters sa Maynila.

Nabatid na ang mga recipients ng lote sa ilalim ng nasabing programa ay mga pamilyang nag-i-squat lang sa isang pribadong lote sa loob ng 30 taon.

Pinasalamatan ng mga recipients si Lacuna na ayon sa kanila ay maging sa kanilang panaginip ay ‘di umaasa na magkakaroon ng sariling lupa kung saan nakatayo ang kanilang sariling bahay.

Habang hawak ang kabibigay pa lamang na titulo, sinabi ni Marites Santos, na matagal ng nangangarap ng kanyang sariling bahay sa loob ng 15 taon na: “Hindi ko po akalain na mangyayari ito. Salamat kay Mayor at sa buong lungsod ng Maynila. Para po kaming nanalo sa lotto.”



Sinabi ni De Guzman na sa utos ni Lacuna ay mas marami pang lote at housing units ang nakatakdang ipamahagi sa mga landless families sa Maynila sa layuning mabigyan ng dignidad ang mga karapat-dapat na mga Manileño.

Sa ilalim ng “Land for the Landless” program, mga certificates ang ibinibigay sa mga beneficiaries para sa sarili nilang lote sa pamamagitan ng subdivided expropriated lots sa iba’t-ibang barangays.

Ang pinakahuling tumanggap ay nasa 195 heads of families mula Villa San Antonio Neighborhood Association sa Singalong, Lower Victorino Mapa Neighborhood Association sa Sta. Mesa at Marquitos Neighborhood Association sa Sampaloc, gayundin ang nabibilang sa iba pang estates.

Pinuri ni Lacuna si De Guzman sa tagumpay ng programa at hiniling sa mga recipients to alagaan ang mga lote na ipinagkaloob sa kanila. (ANDI GARCIA)