Advertisers
Ni ROMMEL PLACENTE
ISA pang pangarap ni Alden Richards na gusto niyang maabot ay ang maging piloto.
Opisyal na kasi niyang sinimulan ang kanyang flight training sa isang aviation school sa Clark, Pampanga.
Sa kaniyang Instagram post, ipinasilip ni Alden ang kanyang pagpunta sa Alpha Aviation Group sa Mabalacat.
Makikita sa mga pinost niyang larawan at may caption na “ready for training.”
“Reaching new heights, one flight at a time,” isa pang caption.
Noong nakaraang buwan, ibinahagi ni Alden na nabigyan siya ng scholarship mula sa isang aviation school sa Clark.
Hindi man niya binanggit noon ang pangalan ng eskwelahan, sinabi niya na pinili niyang manahimik muna hanggang maging final ang lahat.
Pangarap daw talaga ng kanyang ama ang maging isang piloto siya.
Hopefully, kung kaya this year ay matapos daw niya ‘yung course, then lipad- lipad na siya.
Bukod sa pagpipiloto, busy rin si Alden sa marathons at pagbibisikleta. In fact, nitong May 11 ay may Lights Camera Run project siya, kung saan dadaluhan ng mga kaibigang artista tulad nina Barbie Forteza, Kim Chiu at Paulo Avelino.
***
NAGING isyu sa showbiz ang pagtuturuan kung sino nga ba talaga ang gumastos sa iniwang hospital bills ng yumaong Superstar at National Artist For Film and Broadcast Arts na si Nora Aunor. May mga nagsabing ang dating Governor na si Chavit Singson daw, dahil ito ang huling pinuntahan ni ate Guy sa pamamagitan ni Daisy Romualdez.
Pero paglilinaw ng 2 loyal fan at laging kasama ni ate Guy, nag-attempt lamang daw na ibenta nito ang lupa niya sa Naga, pero tinanggihan daw ni Governor Chavit at sinabihang hindi siya bumibili ng lupa, sa halip ay nag-alok kung ano ang maitutulong nito.
May mga nagsabi naman na for sure ay ang PCSO, dahil ang matalik na kaibigan ni ate Guy na si Imelda Papin ay isa sa board.
Para matapos na ang haka-haka, kinumpirma na ng Malacañang, na sinagot ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga nagastos sa hospital bills ni ate Guy, at hindi ang PCSO o si Governor Chavit ang nagbayad.
Sa isang mensahe nga sa mga mamamahayag, nilinaw ni Communications Senior Undersecretary Ana Puod, na hindi ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ang umako sa mga gastos.
Maging ang iba pang utang ay sinagot na rin aniya ni PBBM mula sa kanyang personal na pera.
Pero hindi naman sinabi ng Palasyo ang eksaktong halaga na itinulong ng Pangulo sa pamilya ni Aunor.
Malaki ang respeto ng pamilyang Marcos kay Nora Aunor. Ang yumaong lola ni PBBM na si Dona Josefa Edralin Marcos ay Noranian, at naging malapit sa Superstar nong kabataan nito.