Advertisers
Kiamba, Sarangani – Bumalik si senatorial candidate Manny Pacquiao sa Kiamba hindi bilang isang sikat na personalidad, kundi bilang isang anak na umuuwi sa kanyang pinagmulan.
Ang pagbisita ni Pacquiao nitong martes ay parehong personal at pulitikal kundi patunay ng kaniyang smalalim na ugnayan sa naturang bayan at sa kanyang pangarap na iaangat ang buhay ng mga mamamayan nito.
Si Pacquiao at ang kanyang asawa na si Jinkee ay rehistradong botante sa Precinct 0004B sa Kiamba Central Elementary School.
“Ang Kiamba, hindi lang basta lugar para sa akin. Pamilya ko ito. Taga-rito rin si Jinkee at mga kamag-anak namin kaya napakalapit ng Kiamba sa puso ko,” ani Pacquiao.
Higit pa sa pagdalaw at pag-uwi, ang kanyang pagbisita ay isang pangako. Ibinahagi ni Pacquiao ang mga proyektong nakaugat sa komunidad na kanyang sinuportahan sa Kiamba.
Libreng pabahay para sa mga kapus-palad at biktima ng kalamidad, scholarship para sa mga batang mahihirap, at mga programang pangkabuhayan para sa mahihirap na pamilya sa lugar.
Binigyang-diin niya na ang mga ito ay hindi lamang pangako sa kampanya kundi layuning patuloy niyang ipaglalaban at palalawakin sa buong bansa.
“Ang pangarap ko para sa Kiamba ay hindi lang basta pagbibigay ng tulong. Gusto kong makita ang bawat pamilya na may sariling bahay, may edukasyon ang mga bata, at may maayos na hanapbuhay ang mga magulang. Ito ang ipagpapatuloy kong laban sa Senado. Laban para sa kinabukasan ng mga taong mahal ko,” ani Pacquiao.
Sa mundo ng pulitika na madalas ay malayo at hiwalay sa karaniwang mamamayan, nais ni Pacquiao na magsilbing inspirasyon ang kanyang sariling kwento — mula sa kahirapan patungo sa tagumpay — na may pusong nakaugat sa mga lugar gaya ng Kiamba, kung saan ang katatagan at karanasan ng mga tao ay kahalintulad ng kanyang pinagdaanan.
Para kay Pacquiao, ang laban para sa inklusibong kaunlaran ay lampas na sa Kiamba, kaya nananatiling sentro ng kanyang misyon ang mga taong nagtaguyod sa kanya at kanyang minamahal.
“Hindi ba sa bawat miyembro ng pamilya natin gusto natin silang lahat umasenso? Yan lang naman ang misyon ko — ang gumaan ang buhay ng bawat pamilyang Pilipino. Yung pangarap ni Manny Pacquiao ay ang makatawid ng payapa ang bawat pamilya sa araw-araw.”