Advertisers
MAGASPANG si Sara Duterte.
Bagaman abogada, mas magaspang pa siya sa mga taga- iskwater. Salat siya sa kagandahang asal. Walang modo at totoong bastos sa pag-uugali. Hindi siya nangingimi na magmura at gumamit ng mga bastos na salita. Hindi siya nalalayo sa amang bastos at walang modo.
Tuwiran nagpakamatay si Sara nang murahin niya sa ibabaw ng entablado sina Kin. Joel Chua, Rolando Valeriano, at kahit si Kin. Benny Abante. Sila ang tatlong mambabatas ng Maynila na sumusuporta sa kandidatura ni Honeylet Lacuna, kasalukuyang alkalde ng Maynila. Nahaharap sa mahigpitang laban si Lacuna sa bumabalik na Isko Moreno.
Kinakatawan ni Chua ang ikatlong distrito ng Maynila; Valeriano, ang ikalawa, at Abante, ang ikaanim.
Wala silang bilib kay Isko dahil, sa ganang kanila, walang isang salita si Isko at hindi dapat pagkatiwalaan. Sinusuporthan ni Sara si Isko kahit natalo ng Uniteam nila ni BBM noong 2022.
Nangunguna si Isko sa survey na ipinagawa niya, ngunit humahabol si Lacuna. Balikatan ang laban ng dalawa. Malayong pumapangatlo si Sam Versoza, isang social media personality, at may pananaw na kinukuha niya ang boto na dapat napunta kay Isko.
Totoong may inihasang palakol si Sara laban sa tatlong mahusay na mambabatas ng Maynila. Ngunit ang nakakatawa ay habang nagtatalumpati si Sara sa miting ni Isko at pinagmumura sila, malakas ang sigaw ng mga taga-Maynila: “Marcos, Marcos.” Mukhang malakas ang suporta ng mga taga-Maynila kay BBM at sa tatlong mambabatas na pawang tumatakbo sa reelekyon.
Si Chua ang hepe ng Komite on Good Government ng Camara de Representantes na nagsiyasat sa pagkawala ng P612 milyon na confidential fund na ipinagkatiwala bilang pangalawang pangulo at kalihim noon ng Deped. Si Valeriano ang nagbigay ng privilege speech na kumondena kay Sara. Ito ang batayan kung bakit nag-imbestiga ang komite ni Chua sa kanya.
Naging aktibong co-chair ng QuadCom si Abante at isa siya sa maraming mambabatas na nagdiin sa maling gawi ni Sara sa pondo ng bayan. Harapan ipinapahiya ni Abante si Sara at kahit ang ama na si Gongdi na humarap sa ika-11 pagdinig ng QuadCom noong ika-13 ng Nobyembre, 2024.
Dahil hindi naipaliwanag ni Sara ang dahilan kung bakit nawala ang P612-M, naging bahagi ito ng Articles of Impeachment na nilagdaan ng 240 kasaping mambabatas ng Camara at dinala sa Senado. Mag-uumpisa ang ika-30 ng Hulyo ang pagbuo ng Senado bilang impeachment court na lilitis kay Sara. May tulog si Sara sa impeachment trial at isa ito sa mga dahilan kung bakit mukha siyang balisa at aburido sa mga nakalipas na araw.
Kasama rin si Sara sa maaaring arestuhin ng ICC at may inihandang arrest warrant upang dakpin at ikulong siya. Hindi nakaapekto ang pagmumura niya sa tatlong mambabatas. Hindi siya sinagot ni Chua. Nag-isyu ng paliwanag si Valeriano at ang anak ni Abante ang sumagot para sa kanya. Walang epekto ang pagmumura niya sa kandidatura ng tatlong mababatas.
***
HINDI klik ang pagbaligtad ni Imee Marcos at Camille Villar. Matamlay at nilalagnat pa rin ang kandidatura nila sa Senado. Hindi rin tumutulak ang kandidatura ni Francis Tolentino. Malamang sa basurahan sila pulutin.
Mahirap tanggapin ang kandidatura ni Camile. “Tubig,” ito ang sigaw ng mga mamamayan dahil kilala ang Prime Water Services sa kapalpakan ng serbisyo nito sa mga tao. Pag-aari ng mga Villar ang Prime Water.
***
Emial:bootsfra@yahoo.com