Advertisers

Advertisers

Taasan ang tax exemption para sa manggagawa — Abalos

0 7

Advertisers

Sa paggunita ng Araw ng Paggawa, nanawagan si dating DILG Secretary at tumatakbong senador Atty. Benhur Abalos Jr. na itaas ang income tax exemption para matulungan ang mga manggagawang Pilipino sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin at upang madagdagan ang kanilang take-home pay.

Ayon kay Abalos, ang kasalukuyang batas — na hindi nagpapataw ng buwis sa mga kumikita ng P250,000 pababa kada taon — ay naisabatas pa noong 2018 at maaaring hindi na sapat sa kasalukuyang panahon dahil sa inflation at mataas na gastusin sa araw-araw.

“Siguro puwede nating pag-aralan ulit ito dahil sa taas ng bilihin at iba pang gastos,” ani Abalos. “Mas makakabuti kung taasan natin ang threshold para mas lumaki ang take-home pay ng mga manggagawa.”



“Dapat na nating itaas ang income tax exemption threshold dahil hindi na ito akma sa totoong kalagayang pinagdadaanan ng ating mga manggagawa. Ang taas ng bilihin. Ang kuryente natin, pangalawa sa pinakamahal sa buong Timog-Silangang Asya,” dagdag pa niya.

Sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law na nagsimula noong 2018, hindi pinapatawan ng buwis ang mga indibidwal na walang kinikita sa loob ng taon, mga minimum wage earners, at mga may taunang taxable income na hindi lalampas sa P250,000. Bukod pa rito, hindi rin binubuwisan ang 13th month pay at iba pang benepisyo na hanggang P90,000 ang halaga, paliwanag ni Abalos, isang abogado at dating award-winning na mayor.

Ngunit iginiit niya na maaaring hindi na sapat ang threshold na ito, lalo na ngayong patuloy na tumataas ang presyo ng mga pangunahing bilihin.

Naniniwala si Abalos na ang pagtataas ng exemption ceiling ay magbibigay ng agarang ginhawa sa mga manggagawang mababa at katamtaman ang kita.

Nangako siyang rerepasuhin ang umiiral na batas kung siya ay mahalal sa Senado. “Ire-review ko itong maigi kung pwede po nating taasan po ito. Para mas tumaas ang ating threshold of exemption,” aniya. “We should review this in the light of inflation and other factors.”



Nagbigay rin ng pagkilala si Abalos sa mga manggagawang Pilipino, na tinawag niyang haligi ng ekonomiya at ng araw-araw na buhay ng bansa.

“Walang galaw ang ekonomiya kung wala ang manggagawang Pilipino — sila ang haligi ng bawat industriya, mula bukid hanggang ospital, mula pabrika hanggang paaralan,” ani Abalos. “Ngayong Araw ng Paggawa, hindi lang natin sila pinasasalamatan — ipinaglalaban din natin ang karapat-dapat na benepisyo para sa kanila. Panahon na para itaas ang antas ng pagkalinga sa manggagawa.”

Bukod dito, sinabi rin ni Abalos na isusulong din niya ang pagbibigay ng bonus o gratuity pay para sa mga job order at service contractual workers sa gobyerno na kasalukuyang hindi nakatatanggap ng regular na benepisyo.

Ipinaliwanag niyang may apat na uri ng manggagawa sa gobyerno: regular, casual, service contractual, at job order. “Yung huling dalawa, job order at service contractual, walang benepisyo ‘yan,” ani Abalos. “Nung Mayor ako, gusto ko sanang bigyan kahit ng kaunting bonus, pero bawal. Kaya isusulong ko talaga na mabigyan man lang sila ng gratuity incentive.”

“Yung job order at service contractual workers, wala silang benepisyo. Kahit gusto mong bigyan ng kaunting bonus, bawal,” aniya. “Kaya kung ako ay palaring manalo, isa ito sa mga isusulong ko — dapat may natatanggap din silang kahit konting insentibo.”

Hinimok din ni Abalos ang mas malawak na pagsusuri sa mga umiiral na benepisyo para sa mga manggagawa, lalo na’t nagbago na ang paraan ng pagtatrabaho matapos ang pandemya.

Ayon kay Abalos, dapat tingnan muli ang mga polisiya kaugnay ng leave credits, work-from-home setup, at insurance para mas akma ito sa bagong pangangailangan ng workforce.

“Dapat talaga nating tingnan ito kasi nagbabago ang panahon. Pagkatapos ng COVID, may mga online work na. Dapat i-adapt din natin ang mga patakaran sa bagong setup ng mga manggagawa ngayon,” aniya.