Advertisers
KUMALAT ang balita mula sa The Hague na isa si Misfit Sara sa mga nahaharap sa panibagong arrest warrant na maaaring ilabas sa mga susunod na araw ng International Criminal Court (ICC). Dadakpin, aarestuhin, at dadalhin sa punong himpilan ng ICC ang ilang opisyales na may malaking kaugnayan at partisipasyon sa madugo pero bigong giyera kontra droga ni Gongdi na kumitil sa buhay ng humigit kumulang na 30,000 katao.
Maaaring makasama ni Misfit Sara si Bato dela Rosa, Bong Go, at tatlong dating heneral ng PNP na pawang nagpatupad ng digmaan kontra droga ni Gongdi noong siya ang nasa poder. Sila ang mga pangunahing suspect kahit hindi sinabi kung kailan bababa ang arrest warrant. Hindi sila bibigyan ng proteksyon ni BBM at kagyat na ibibigay sila sa magdadala sa kanila sa The Hague.
Hindi makabalik sa Senado si Bong Go at Bato kahit manalo sila sa halalan. Kinapon at inutil ang dalawang senador at malamang hindi sila maka-sumpa ng bagong anim na taon na termino. May dahilan upang maging balisa si Misfit Sara dahil nahaharap ang pamilya Duterte sa talo at kabiguan. Makukulong rin siya at hindi makakabangon upang pumalaot sa 2028.
Hindi lang ang arrest warrant ng ICC ang kinatatakutan ni Misfit Sara. Kung hindi ito bumaba agad, malaking panganib ang impeachment trial sa Senado. Kapag nabuo ang Senado bilang hukuman sa ika-30 ng Hulyo, haharap si Misfit Sara sa paglilitis kaugnay sa Articles of Impeachment na nilagdaan ng mahigit 200 kasaping mambabatas ng Camara de Representantes at isinumite sa Senado.
Kapag napatunayan ang mga paratang sa kanya, tatanggalin si Misfit Sara bilang pangalawang pangulo ng bansa at bigyan ng perpetual disqualification. Hindi siya makakatakbo sa halalang panguluhan sa 2028.
Malalim ang laro sa susunod na araw. May malaking papel si Tsis bilang pangulo ng Senado sa kapalaran ni Misfit Sara. Kailangan manmanan si Tsis dahil kilala siya sa katusuan. Sisiguruhin na papakinabangan niya ang sitwasyon upang iangat ang sarili sa paglilitis kay Misfit Sara.
Pulitika ng sarili ang alam ni Tsis. Hindi siya kilala bilang isang mambabatas na nagmamahal sa bayan. Mas mahal ang sarili at sisiguraduhin niya na siya ang pangunahing kandidato sa pangulo sa 2028.
Hindi madali ang paglilitis kay Misfit Sara sa Senado. Lalaban siya upang maabswelto sa mga paratang sa kanya lalo na ang pagwaldas ng P612-M na confidential fund na ipinagkatiwala sa kanya bilang pangalawang pangulo at kalihim ng Deped. Hindi maaaring hindi niya ipaliwanag kung bakit nawala na lang ang salapi ng bayan.
Labanan ng ebidensiya ang impeachment trial sa Hulyo. Maghaharap ang pangkat ng taga-usig, o prosekusyon, mula sa Camara ng mga katibayan sa Senado. Maraming nakalap na katibayan ang prosecution team at ihaharap nila ang mga iyon sa Senado bilang hukuman.
Kailangan manmanan si Tsis sa kanyang gagawin bilang pangulo ng Senado. Nakikita namin siya bilang balakid sa malayang proseso ng Senado bilang hukuman na hahatol sa kinabukasan ni Misfit Sara. Hindi dapat gawin ni Tsis ang Senado upang iprisinta ang sarili bilang kandidato sa panguluhan sa 2028.
***
INAASAHAN namin ang malaking pagbabago sa talaan ng mga mananalo sa Senado sa halalan sa Mayo 12. Huwag maniniwala sa ibinabandong mga survey kung saan nangunguna si Bong Go at ang mga Tulfo. Si Bong Go ang nagpakomisyon ng mga survey na iyon. Hindi natin alam ang methodology na ginamit doon. Hindi natin batid ang mga tanong sa kanilang mga sample. Basta ibinigay ang resulta ng walang paliwanag sa mga detalye.
Matindi ang huling hataw ng kampanya sa halalan. May natitirang sampung araw ng kampanya bago ang halalan sa Mayo 12. Inilalabas ng mga kandidato ang kanilang mga huling baraha upang kumbinsihin ang mga botante na sila ang karapat-dapat na maging senador. Sa pakiwari namin, malaking pagbabago ang ibubunga ng negative campaign laban sa ilang kandidato. Totoong aaray sila sa epekto.
Halimbawa ang kampanya laban sa mga alagad na China. Bumabalong ang matinding galit ng mga botante sa sinumang kandidato na sa tingin nila ay kakampi ng China. Ito ang dahilan kung bakit pumoporma sina Bong Go at Francis Tolentino bilang mga pro-Filipinas at kalaban ng China. Pero sino ang naniniwala sa kanila? Batid ng buong mundo na kakampi sila ng China dahil kay Gongdi. Sila ang mga alila ni Gongdi na kilalang kakampi ng China.
Hindi namin nakikita na mananalo si Francis. Malaki ang ibabagsak ng kanyang kandidatura sa Senado. Hindi rin namin nakikita na nangunguna si Bong Go. Maaaring manalo sina ni Bato at Bong Go pero hindi namin nakikita na makakabalik sila sa Senado. Mas malamang sa bilangguan ng ICC sila babagsak.
Matindi ang kampanya laban sa mga artistang laos, mandarambong, at mga kabilang sa dinastiya pulitikal. Hindi namin nakikita na mananalo si Camille Villar. Mahihirapan rin sina Bong Revilla, Lito Lapid, at kahit si Abby Binay na pawang kabilang sa dinastiya pulitikal. Nakikita namin ang pag-angat ng kandidatura nina Bam Aquino, Kiko Pangilinan, at Heidi Mendoza. Malakas ang tsamba sa panalo.