Advertisers
BINIRA ni labor leader at senatorial candidate Leodegario “Ka Leody” de Guzman ang ipinangangalandakang kasalukuyang proyektong P20 kada kilo na bigas sa Visayas ng Marcos Jr. administrasyon.
Say ni Ka Leody, kaya nagkakaroon ng suplay sa proyektong ito ay dahil sa mga sobrang suplay na nakaimbak sa mga bodega ng National Food Authority (NFA) na kailangang i-dispose “sa lalong madaling panahon bago ito mabulok”. Mismo!
Sabi pa ni Ka Leody, kung totoong seryoso ang pamahalaan na gawing mura ang bigas sa bansa, dapat unahin ng pamahalaan na ibasura ang Rice Tariffication Law (RTL). Tama!
“Namumutawi ang kapalpakan ng RTL na ibaba ang presyo ng bigas kahit na ilang taon na tayong nag-a-angkat mula sa ibang bansa,” diin ng labor leader.
“Bigyan ng awtorisasyon ang NFA na bumili ng palay sa ating magsasaka, itodo ang modernisasyon ng lokal na rice production, ipakulong ang mga smuggler at ibuhos ang lahat ng suporta sa ating mga magsasaka.”
Tumpak si Ka Leody.
Say n’yo, mga pare’t mare?
***
Siyam ma araw nalang at muli tayong maghahalal ng mga mamumuno sa ating bayan/lungsod at lalawigan.
Opo! eleksyo na sa Mayo 12. Ang huling araw ng kampanya ay Mayo 10. Ang Mayo 11 ay araw na ng gapangan este pahinga ng mga kandidato.
Ang Mayo 12 ang itinakdang petsa ng ating Saligang Batas o Konstitusyon para alisin sa puwesto ang mga inutil na politiko, na naging tamad at pang-aabuso sa kapangyarihan ang ginawa sa loob ng kanilang termino.
Ang petsang ito ang itinakda para maglagay ng bagong pag-asa, bagong mukha ng lider na may pangarap sa kanyang bayan/lungsod o lalawigan.
Para sa mga botante, kung ang mga inihalal ninyo sa mga nakaraang eleksyon (2019, 2022) ay walang ginawa, hindi naramdaman ang mga ipinangako nila sa kampanya, at tumatakbo uli ngayon ay makabubuti pang ‘wag na silang ibalik, magsubok ng bagong mukha ng mga gustong maglingkod sa inyong lugar o probinsiya.
Tandaan: Ang pag-unlad ng isang bayan/lungsod o lalawigan ay nakasalalay sa mga kamay ng botante. Kaya magboto ng tama, itama ang boto. Iwaksi na ang eleksyon na kuwarta-kuwarta. Dahil ang kandidato/politiko na gumagastos ng milyones sa eleksyon ay siguradong walang magandang gagawin pagkaupo kundi ang gumawa ng kuwarta, bawiin ang malaking ginastos sa eleksyon. Peks man!
Pero ang kandidatong hindi gumagastos ng malaki at naglalatag ng kanyang mga plataporma de gobierno, asahan ang magandang pamumuno nito.
Kaya mga pare’t mare, sa Mayo 12…magboto tayo para sa bayan, hindi sa mga naghahangad lamang ng kapangyarihan. Let’s do it!
***
Grabe na ang init ng panahon, umaabot na ng hanggang 37 degrees Celsius ang temperatura. Kaya iwasan ang magbilad sa araw mula 10am up to 3pm. Maligo at least twice a day at dalasan ang pag-inom ng tubig para iwas stroke…