Advertisers

Advertisers

PANG. MARCOS, WALANG PALYA SA PAGTUTOK SA PANGANGAILANGAN NG MGA MANGGAGAWA

0 7

Advertisers

SA harap ng patuloy na pagbabago at hamon sa pandaigdigang ekonomiya, isang positibong balita ang hatid ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa sambayanang Pilipino.

Ito ay ang pagbaba ng unemployment rate sa bansa sa 4.3 porsyento, ang pinakamababa sa loob ng 20 taon.

Sa kanyang talumpati sa ika-123 Araw ng Paggawa sa Pasay City, buong pagmamalaking ibinahagi ni PBBM ang resulta ng masigla at agresibong kampanya ng pamahalaan na palakasin ang ekonomiya at pagyamanin ang labor market.



Hindi lamang ito numero. Aba, ito’y patunay na sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon, tunay na umuusad ang bansa tungo sa mas maaliwalas na bukas para sa bawat manggagawang Pilipino.

Ang karagdagang pagbaba ng unemployment rate sa 3.8 porsyento noong Pebrero ay sumasalamin sa tuluy-tuloy na pag-unlad ng mga oportunidad sa trabaho. Masasabing bunga ito ng halos US$27 bilyon na pamumuhunan mula 2022 hanggang 2024 at higit ?4.35 trilyong halaga ng mga proyektong naitala ng mga Investment Promotion Agencies. Ang mga ito ay inaasahang magbubukas ng mahigit 350,000 trabaho sa iba’t ibang panig ng bansa.

Bukod sa mga numerong ito, makikita rin ang malasakit ng administrasyon sa simple at konkretong hakbang.

Nariyan ang mahigit 4,000 job fairs na isinagawa mula Hulyo 2022 hanggang Pebrero 2025.

Sa mga job fair na ito, higit sa 1 milyong job seekers ang nakilahok at halos 170,000 ang agad na nakahanap ng trabaho.



Ipinag-utos pa ng Pangulo na buwan-buwan ay magkaroon ng job fair, isang patunay na walang palya ang pagtutok ng gobyerno sa pangangailangan ng ating manggagawa.

Hindi rin nakalimutan ni Pangulong Marcos na bigyang-pugay ang mga Pilipinong manggagawa, na kanyang tinawag na mga “haligi ng lipunan.” Ang pagkilala sa kanila bilang pundasyon ng kaunlaran ay hindi lamang simboliko. Masasabi nga na ito ay sabayang pinatitibay sa pamamagitan ng mga konkretong programang nagbubukas ng mas maraming pintuan ng oportunidad.

Sa kabuuan, ang mga datos at inisyatibo ng administrasyong Marcos ay hindi lamang mga bilang sa papel. Ito ay salamin ng tunay na malasakit, matalinong pamumuno, at kolektibong pag-asa. Kung patuloy nating susuportahan ang ganitong uri ng pamahalaang may malinaw na direksyon para sa manggagawang Pilipino, tiyak na patuloy na uunlad ang ating bayan.

Sa panahon kung kailan maraming bansa ang patuloy na humaharap sa hamon ng kawalan ng trabaho, ang Pilipinas ay namamayagpag sa paglikha ng mga oportunidad.

Tunay ngang may saysay ang Araw ng Paggawa, hindi lamang bilang paggunita, kundi bilang patunay na sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Marcos, may ginhawa at may pag-asa ang bawat Pilipino.

***

Catch Gilbert Perdez’s “Barangay 882” radio show every Saturday from 4:00 PM to 5:00 PM. Tune in via ALIW Channel 23, DWIZ AM Radio, DWIZ 882 Facebook page, or DWIZ ON-DEMAND on YouTube. You can contact him via email at gil.playwright@gmail.com or through this number: 0991-3543676.