Advertisers
Dumalo si Mayoral candidate Raymond Bagatsing sa “Meet the Press Weekly Forum” ng National Press Club (NPC) na ginanap sa NPC Building, Magallanes Drive, Intramuros,Manila nitong Biyernes, Mayo 2, 2025.
Binigyang-diin ni Mayoral candidate Raymond Bagatsing ang kanyang paninindigan laban sa labis na paggastos ng ilang kandidato sa eleksyon at kaugnayan ito sa talamak na korupsyon sa lungsod ng Maynila.
“Kampanya o investment?” — ito ang matapang na tanong ni Bagatsing sa harap ng mga mamamahayag, na kanyang tanong sa iba pang politikong tumatakbo sa Maynila na nakikita nitang gumagastos ng milyon-milyon upang makuha ang kapangyarihan.
Aniya, kung ganoon kalaki ang inilalabas na pera para manalo, malinaw na may inaasahang kabayaran ito sa hinaharap kung sakaling manalo sila sa May 12 polls.
“Kung ang kampanya mo parang negosyo, sigurado rin na ang serbisyo mo may presyo. Hindi dapat binibili ang tiwala ng tao dapat ipinagkakatiwala ito sa may prinsipyo at may matibay na paninindigan,” wika ni Bagatsing.
Hinimok din ni Bagatsing ang mga botante ng Maynila na maging mapanuri at huwag magpapadala sa mga makukulay na campaign ads. Ayon sa kanya, ang tunay na pagbabago magmumula sa lider na hindi dumedepende sa pera kung hindi sa tunay na malasakit sa kanyang mga nasasakupan.
“Alamin ang kanilang mga pangangailan at suliranin upang mabigyan ito ng kaukulang solusyon. Dapat 24 hours ang pagmamahal sa tao,” dagdag pa ni Bagatsing.
Tumatakbo si Raymond Bagatsing sa ilalim ng platapormang anti-corruption at makataong pamumuno. Hangad nitong maging corruption free ang lungsod ng Maynila na siyang capital ng bansa.
Sa pagtatapos ng forum binuod ni Pangulong Leonel ‘Boying’ Abasola ang gustong iparating ni Mayoral candidate Raymond Bagatsing, na kung walang kurap walang mahirap.
Kaya hiniling niya sa mga Manilenyo na tulungan si Bagatsing para umasenso ang Maynila tungo sa Bagong Pilipinas na siya rin inaasam ni Pangulong Ferdinand ‘ Bongbong’ Marcos.
Samantala, nanawagan si Bagatsing sa kapwa niya Manilenyo na iboto ang bukal ang kalooban na totoong tutulong sa kanila at huwag ibenta ang boto dahil dito nakasalalay ang ating kinabukasan.(M. Gal)