Advertisers

Advertisers

Bakit pipi ang PDP sa isyu ng WPS?

0 722

Advertisers

ISANG linggo nalang o eksaktong pitong araw at maghahalal uli tayo ng mga opisyal na mamamahala sa ating bayan/lungsod at lalawigan para sa tatlong taon na termino, at 12 senador para sa 6 taon na panunungkulan bilang mambabatas sa bansa.

At limang araw nalang ang kampanya ng mga kandidato, hanggang Mayo 10. Ang Mayo 11 ay araw ng gapangan este pahinga pala. Hehehe…

Ang Mayo 12 ang petsang itinakda ng ating Saligang Batas para palitan ang mga hindi naging epektibong opisyal na naihalal noong nakaraang eleksyon. Ito rin ang petsa ng paghalal ng sa tingin natin ay makapag-aayos ng ating bayan/lungsod at lalawigan, at makapag-deliver ng magandang social services sa atin. Kaya magboto ng tama, itama ang boto. God bless sa lahat…



***

Bukod sa trabaho, food security, at kalusugan, isang pangunahing election issue ang paggiit ng ating karapatan sa West Philippine Sea (WPS).

Patunay rito ang isang survey ng Social Weather Stations, kungsaan sinasabi na 75% ng mga Pilipino (o tatlo sa bawat apat) ang pipili ng mga kandidato na naninindigan laban sa pambu-bully sa atin ng China sa sarili nating teritoryo.

Ibig sabihin lang nito, gusto ng mga mamamayan ng matatapang na kandidato na handang ipaglaban ang integridad at soberanya ng Pilipinas.

Nakapagtataka kung bakit napakatahimik ng senatorial candidates ng PDP Laban kapag isyu na ng WPS ang pinag-uusapan. Pati si Vice President Sara Duterte ay “no comment” din kapag China-China na ang usapin.



Ayaw ba ng PDP Laban bets ng boto o sadyang pino-poon lang talaga nila ang China, gaya rin sila ni VP Sara? At ito ang nakakatakot kung pipili tayo ng pro-China candidates dahil imbes na protektahan nila ang bansa at mga mamamayan ay baka i-gift wrap pa nila ang iba pa nating teritoryo at ipamigay lang nila sa China.

Tandaan natin: Ang Senado ang nakatoka pagdating sa treaties at international agreements kaya huwag nating sayangin ang ating boto. Dapat bumoto tayo ng pro-Philippines para protektado ang bansa natin. Mismo!

Nakakapangamba ang tahasang panghihimasok ng China ngayong mid-term elections. Mabuti nalang at matapang itong ibinunyag ni Senate Majority Leader Francis Tolentino. Samahan natin si Tolentino sa kanyang pagbabantay.

Gusto kasing impluwensiyahan ng China ang halalan at makapasok ang minamanok nitong mga kandidato sa layong makabuo ng isang Senado na pro-China. Dahil sa pagiging sakim sa nasasakupan, may ilan kasing batas at polisiya na pinag-iinitan ang China at gusto nito na maamyendahan ang mga ito.

Parang si Alice Guo ang model ng China sa operasyon nito. Kung naging mayor si Guo sa isang bayan sa Tarlac, gusto rin ng China na makapagpasok ng mga kandidato nito sa Senado.

Kung nagkaletse-letse ang isang maliit na bayan ng Bamban dahil kay Guo, hindi malayong magkaroon ng matinding kaguluhan sa buong bansa kung papayagan nating makapasok sa gobyerno (partikular sa Senado) ang mga galamay ng China.

Kailangan natin ng isang Senado na makabayan upang baguhin ang antigo nang Anti-Espionage Law para maparusahan nang bonggang-bongga ang sinumang Pilipino na magtataksil sa Bayan. Mismo!