Advertisers
BATANGAS CITY — Nangako nitong Sabado ang mga kandidato sa pagkasenador ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas na isusulong nila ang mas mataas na pondo para sa edukasyon, mas maayos na pagpapatupad ng libreng edukasyon sa kolehiyo, at mas matibay na suporta mula sa mga lokal na pamahalaan upang mapagaan ang pasanin ng mga estudyante at pamilya sa buong bansa.
Sa isang press conference sa harap ng mga estudyanteng Batangueño at miyembro ng media, sinabi ni dating Senate President Vicente “Tito” Sotto III na titiyakin niyang mapapanatili ang pondo para sa edukasyon—at nangakong ibibigay pa ang kanyang suweldo sa Senado bilang ayuda sa mahihirap na mag-aaral sakaling mahalal.
“Guarantee ko sa inyo, hindi namin papayagan ‘yung nangyari last year, kung saan ang laki ng nabawas sa budget ng education at ng health kung saang lupalop inilagay,” ani Sotto. “Hinding-hindi kami papayag n’un … Dapat nga dagdagan pa ang budget ng edukasyon.”
Ibinahagi rin ni Sotto ang kuwento sa likod ng batas para sa libreng kolehiyo, at kung paano nila nire-align ang P8 bilyong hindi nagamit na pondo para ilaan sa Commission on Higher Education (CHED) at Department of Education (DepEd).
Nanawagan naman si dating Sen. Panfilo “Ping” Lacson ng pag-review ng Senado sa pagpapatupad ng nasabing batas, dahil umano sa pagkaantala ng reimbursement mula sa CHED na nagpapabigat sa mahihirap na pamilyang kailangang mag-abono muna.
“Baliktad, dapat available na ‘yung scholarship na hindi mag-aabono ‘yung mga parents,” ani Lacson.
“Isa pa, masyadong mahigpit ‘yong mga requirements para makapasok sa program … dapat pag-aralan kung paano papaluwagin ito,” dagdag pa niya.
Samantala, ipinanukala ni dating Interior Sec. Benhur Abalos na gawing mas flexible ang paggamit ng Special Education Fund (SEF), dahil aniya, may kakayahan ang mga lokal na pamahalaan na punan ang kakulangan ng pambansang scholarship programs.
“Maraming LGUs diyan na may pera talaga to supplement kung ano man ang kakulangan,” ani Abalos.
“Pamasahe ‘yan, baon ‘yan, himayin natin, ilan ba talaga ‘yung poorest of the poor na kailangang tulungan,” dagdag niya.
Nagbabala rin si Abalos ukol sa mga pagkaantala at posibleng pagkalugi ng mga eskwelahan na nakadepende sa UniFAST system, at nanawagang palakasin ang oversight function ng Senado.
“Dapat siguro tignan lang maige ito sa oversight function ng Senate dahil medyo delayed ang payment sa kanila … Otherwise baka malugi naman ang mga eskwelahan,” aniya.
Ipinunto naman ni Sen. Francis Tolentino ang kahalagahan ng suporta sa mga kolehiyong pinamamahalaan ng local government units (LGUs), at binanggit ang kanyang karanasan sa pagtatayo ng Colegio de Tagaytay at Community College of Alicia.
“Gusto ko pong makita ‘yung ating pamahalaang lokal na may kakayanang matulungan ang pamahalaang nasyonal na magtayo ng sariling kolehiyo, kung hindi kaya ng CHED,” aniya.
Dagdag ni ACT-CIS Rep. Erwin Tulfo, kailangang gawing sistematiko ang pag-akses ng mga estudyante sa mga serbisyo ng Department of Social Welfare and Development at educational assistance programs.
Binigyang-diin din niya ang kanyang panukalang batas na pondohan ng gobyerno ang review programs ng mahihirap na estudyanteng kukuha ng board o bar exams.
“Kapag anak ka ng mahirap, indigent ka, sagutin na ng gobyerno ang review mo para sa board or bar exam sa first take mo,” ani Tulfo.