Advertisers
HINDI namin lubos maisip kung paano tumatakbo bilang kongresista sa isang distrito ng Kyusi ang isang nilalang na nangangalang Rose Nono Lin. May madilim na kahapon ang Rose Nono Lin na ito at hindi namin alam kung isinaalang-alang ng Comelec ang mga dahilan kung bakit nahaharap siya sa disqualification.
Sa sa pagdinig noong nakaraang taon ng Quad Committee ng Camara de Representantes sa mga ilegal na Philippine offshore gaming operators, o POGO, kinilala ng harapan ng komite si Rose Nono Lin bilang asawa ng isang nangangalang Allan Lim, isang mangangalakal na Chinese national na may maruming reputasyon. Kilala si Allan Lim bilang Lin Wei Xiong na may kaugnayan sa Pharmally Pharmaceutical Corp., ang kompanyang sangkot sa overpricing of medical supplies noong panahon ng administrasyon ni Gongdi. Sangkot rin siya sa operasyon ng mga POGO dito.
Tahasang ikinaila ni Rose Lin ang pagkakasangkot niya sa anumang operasyon ng POGO dito tulad ng POGO hub na ni-raid ng awtoridad noong noong ika-4 ng Hunyo, 2024 – ang sampung ektarya compound na pag-aari ng Lucky South 99 sa Porac Pampanga na mayroon 46 na gusali, golf course, at ibang istraktura. Ikinaila ni Rose Lin ang madilim na nakaraan kahit iniharap sa kanya ang mga katibayan na sangkot si Allan Lim sa mga ilegal na aktibidad sa bansa.
Ayon kay Rose Lin, nakilala niya ang kanyang asawa sa unang bahagi ng 2009 noong nagtratrabaho siya a isang hotel. Nakilala niya si Allan Lim bilang isang mangangalakal na nasa bansa noong 2005 pa. Pero may iniharap ang komite ng isang birth certificate kung saan ipinakita na ipinanganak ang anak nila ni Lim noong ika-6 ng Disyembre, 2002. Nang ipakita ng komite sa harap niya ang mga ebidensya ng pakikipag-usap sa ibang taong pinaghihinaalang sangkot sa operasyon ng mga kumpanyang POGO dito, inamin ni Rose Lin na isa ang POGO sa kanyang negosyo dito.
Itinuro niya na kasama siya sa Xionwei Technology, ang kompanyang tinagurian “mother of all POGOs” batay sa pagpapahiram ng lisensya nito sa kompanyang POGO sa bansa tulad ng Zuan Technology ng tinanggal na alkalde na Bamban na si Alice Guo at Lucky South 99 sa Porac, Pampanga.
Ikinaila niya ang anumang kaalaman.
Gayunpaman, tumahimik siya nang ipakita ni Laguna Kin. Dan Fernandez, co-chairman ng Quad Com at chairman of the Komite ng Camara sa public order and safety, ang mga katibayan tulad ng screenshots ng pakikipag-usap ni Rose Lin sa mga empleyado tulad ni Ted Lazaro at Alvin Constantino. Inutusan ni Rose Lin si Constantino na alisin ang mga gamit sa Porac, Pampanga matapos ang raid ng mga awtoridad sa POGO doon.
Noong ika-20 ng Hunyo, 2024, sinabi ng abogado ni Rose lina sa isang panayam sa radyo ng Radyo Pilipinas na walang koneksyon kahit anuman si Rose Lin sa Porac at wala siyang kinuha mula doon. Gayunpaman, hindi ikinaila ng kampo niya na sangkot siya sa POGO.
Tumatakbo ngayon si Rose Nono Lin bilang kongresista ng isang distrito sa Quezon City.
***
Email:bootsfra@gmail.com