Advertisers
Ano kayang galit o inggit ang mayroon itong si Makati Mayor Abby Binay at lahat na lang ng kapalpakang nangyayari sa lungsod niya, isinisisi niya sa Taguig?
Isang halimbawa ng bullying ang ginagawang paninisi ni Mayor Binay kay Taguig Mayor Lani Cayetano nang bitawan ng developer ng Makati Subway System ang proyekto kasunod ng utos ng Korte Suprema na ibigay sa Taguig ang pamamahala sa mga Embo barangay.
Malinaw naman na si Mayor Binay ang nagplano, kumausap, at nakipag-deal sa developer kahit alam niyang malabo ang pagmamay-ari ng lupa. Kaya kung ano ang kinahinatnan ng proyekto, siya rin ang dapat umako.
Sigurado, kung naging matagumpay ang proyekto, walang pasubali niyang aangkinin ang credit. Pero ngayong may aberya, itinuturo niya sa iba imbes na gawan ito ng paraan.
Ang tunay na lider na may pakialam sa nasasakupan niya, nakatuon ang isip sa paghahanap ng solusyon, hindi sa pagpasa ng accountability kapag hindi umayon ang kapalaran sa kanyang plano.
Sa isang panayam sa media noong nakaraang taon, noong hindi pa tuluyang binibitawan ng developer ang proyekto, sinabi ni Mayor Binay na ayaw daw makipag-cooperate ng Taguig tungkol dito. Y’un pala, harap-harapan siyang nagsinungaling sa taumbayan.
Pagsisiwalat ni Mayor Cayetano sa official statement niya nitong Martes, never palang nakipag-ugnayan sa kanya si Mayor Binay tungkol sa proyekto. Sa katunayan, bukas nga siyang makipagtulungan kung kinausap lang sana siya ng mayora ng Makati.
At malalaman mong sinsero si Mayor Cayetano kasi katunayan, isa sa mga pinakamalalaking proyekto niya sa Taguig ngayon ay ang ??Taguig City Integrated Terminal Exchange (TCITx). Transport hub ito na konektado sa ginagawang North-South Commuter Railway at sa Metro Manila Subway Project. Magiging terminal din ito ng mga city bus, mga bus na pa-South Luzon, at mga jeep. Kaya inaasahang gagaan ang byahe ng 160,000 komyuter araw-araw kapag natapos ito.
Taong 2014 nang sinimulan ‘yan. At siguradong ilang aberya rin ang pinagdaanan niyan bago humantong sa groundbreaking ceremony. Pero may narinig ba tayong paninisi sa kahit sino mula sa mayora ng Taguig? Wala. Tinyaga niya. Kinausap niya ang mga dapat kausapin.
Iyan ang totoong “better” at walang halong bitter.