Advertisers
MAY nanalo na!
Opo, dear readers, itong Iglesia Ni Cristo (INC) endorsement ay tiyak malaki lalo ang ilalamang ni Isko at katiket na vice mayor, Ate Chi Atienza at buong tropa ng Yorme’s ,sa eleksyon sa Lunes, May 12, 2025.
Ay, itong Iglesia Ni Cristo endorsement, ay tiyak na lalong magpapalaki ng tiyak na panalo ng Yorme’s Choice sa May 12.
Umaasa din ang tropang maninira at nagkakalat ng libeloso at malisyosong isyu laban kay Yorme Isko Moreno Domagoso, pero wala, kasi nga, INC votes matter most.
At hindi lang INC ang nakuha ng Yorme’s Choice, maging ang iba sekta ng pananampalataya, wow, ha.
Alam natin ang lakas ng kaisahan ng kapatiran ng INC — sa mga kapatid, handa silang isaisantabi ang personal nilang nais na iboto, ang mahalaga sa kanila ay masunod ang pakikipagkaisa sa pasiya ng pamamahala.
Ilang kapatid sa media na miyembro ng INC ang nagpapatunay na sa kanila, mas mahalaga ang aral, mas mahalaga ang kaisahan, kaysa politiko, at kung ang kursunada nila ay hindi mapagkaisahang suportahan, mas sumusunod sila sa kung sino o ano ang pasiya ng pamunuan.
Itong kaisahan na ito ay pinupuna ng marami, maging ng ibang sekta ng pananampalataya, pero iyon din naman ang isinisigaw nila, e “Vote Straight” daw sa kandidatong napipili ng mga pari at pastor, na hindi naman nangyayari.
Inggit sila sa INC, kasi hindi nila magawa ang nagagawa ng INC na kaisahan sa pagboto, at yes, may mga ilan din na hindi nakasusunod sa pasiya ng pamamahala nila.
Sabi ng kausap kong INC member, mabigat ang parusa, expulsion o pagtitiwalag bilang kapatid o kasapi ng kanilang sekta ng pananampalataya.
Ang mga natiwalag naman, matapos ma-realize ang nagawa, gumagawa ng paraan upang makabalik, at muling dumadaan sa pagsubok, upang muling makabalik na kasapi ng INC.
Sa endorsement, ganon na lamang ang pasasalamat ng Yorme’s Choice, at hindi nila bibiguin ang INC at ang iba pa nilang supporters na sa pagbabalik sa cityhall, ibabalik nina Yorme Isko at vice mayoral aspirant Chi Atienza ang matino, maasahan at mabuting gobyerno ng Maynila.
***
Dahil ilang tulog na lang, eleksyon na, konting reminder lamang po, bantayan ang walang pakialam na vote buying gamit ang taxpayers money sa TUPAD, AKAP, AICS at iba pang pera o pang-akit para hindi iboto ang Isko-Chi tandem at mga kasama.
Magdala ng camera, CP at i-video ang mga paglabag na ito para magamit sa paghahain ng mga kasong paglabag sa Omnibus Election Code.
At paalaala sa mga barangay officials: nagpaalaala na ang Comelec na kayo po ay dapat na non-partisan, ibig sabihin, hindi kayo dapat na makita na pumapanig sa kahit kaninong kandidato.
Kayong nagpapagamit at kasali sa garapalang pamimili ng mga boto, kayo na promotor ng pandaraya, panggigipit sa mga supporter ng Yorme’s Choice, paalaala, may paglalagyan kayo, may kaso kayong haharapin.
Wag na wag nyong subukan na maging instrumento kayo ng pandaraya, kasi, gising na ang mga botante.
Mismong Yorme’s Choice voters at ang karaniwang mamamayan ang buhay na CCTV na maglalantad ng lahat ng kalokohan at barubal na ugali upang pagtaksilan ang tunay na damdamin ng Manilenyo.
Sa Hunyo, kita-kita tayo sa cityhall, kasi aarangkada na uli ang gobyernong matino, may pananagutan sa bayan — ang bagong gobyernong may puso, serbisyong makatao at higit sa lahat — maka-Diyos!
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com.