Advertisers
Bongao, Tawi-Tawi – Nanawagan sa bawat mamamayang Pilipino si dating Senador Manny Pacquiao sa gitna ng pangamba ng dayuhang pakikialam sa darating na halalan sa Mayo 12, na tutulan ang anumang impluwensiyang banta sa soberanya ng bansa—lalo na mula sa China.
Kinondena ni Pacquiao ang napaulat na paggamit ng mga Chinese troll farm at manipulasyon sa social media na umano’y idinisenyo upang impluwensyahan ang boto ng mga Pilipino.
“Huwag magpa-impluwensiya. Ipinaglaban ng ating mga ninuno ang kalayaan. Huwag natin itong isuko ngayon. Patunayan natin sa boto kung sino ang tunay na makabayan,” pahayag ni Pacquiao.
Ang pahayag ni Pacquiao ay kasunod ng nakababahalang ulat mula sa National Security Council (NSC) at National Intelligence Coordinating Agency (NICA), na nagsiwalat ng nagpapatuloy na state-sponsored disinformation campaigns na inuugnay sa China.
Kabilang dito ang mahigit 300 pekeng social media accounts na umano’y pinondohan ng embahada ng China upang manipulahin ang opinyon ng publiko.
Isiniwalat ng isang imbestigasyon ng Senado sa pangunguna ni Senate Majority Leader Francis Tolentino na may tseke mula sa Chinese embassy patungo sa isang marketing firm na sinasabing nasa likod ng social mediq operation.
Layunin nito na itulak ang mga kandidatong pabor sa China at siraan ang mga makabayang lider na nagsusulong ng mas matatag na depensang pandagat at mga patakarang makabayan.
Binigyang-diin ni Pacquiao ang pangangailangang protektahan ang demokratikong proseso ng Pilipinas.
Ipinanukala ni Pacquiao ang pagsusulong ng isang makabayang polisiya at suporta sa pagpapatupad ng bagong batas pandagat ng bansa, ang Philippine Maritime Zones Act (Republic Act No. 12064), na naglalayong palakasin ang pagpapatrolya, palawigin ang proteksyon sa mga mangingisda, at igiit ang hurisdiksiyon ng Pilipinas sa mga pinagtatalunang teritoryo sa West Philippine Sea.
“Bansa natin ito, teritoryo natin ito. Hindi ito lugar ng dayuhang interes. Ang atin ay atin!” ani Pacquiao.
Mariin ding sinabi ni Pacquiao na kabilang siya sa hanay ng mga kandidatong handang ipaglaban ang watawat ng Pilipinas.
“ Prinsipyo natin na dapat kaibigan at nakikipagtulungan tayo sa mga bansa sa mundo, pero hindi tayo papa-bully o papaapi. Hindi lang ito laban sa eleksyon—ito ay laban para sa ating kinabukasan bilang isang malayang bansa. Para sa Pilipino, para sa malayang Pilipinas.”