Advertisers
PATAY ang sampung katao habang marami pa ang malubhang nasugatan at nagalusan sa isang aksidenteng naganap sa loob ng Subic Clark Tarlac Expressways (SCTEX) kamakailan.
Gaya ng dati, umeksena na naman ang mga magagaling. Napakaraming komento o suhestiyon na lumabas sa media at maging sa social media na karamihan sa maririnig natin ay ‘dapat…’, ‘dapat…’, ‘dapat’…maraming ‘dapat’.
May gumawa pa ng maiksing bidyo na nagsasabing ‘dapat’ kapag nakapila sa trapik ay naka-bali ang gulong para kapag binangga sa likod ay hindi maiipit doon sa kasunod na sasakyan sa harapan. Ang husay!
Batay [kasi] sa mga kwento at inisyal na imbestigasyon ay lumalabas na nung mabangga ng bus ang dalawang sasakyan sa kanyang harapan ay naipit ito sa kasunod na trak kaya marami ang namatay… ‘sandwich’ ika nga.
Agad na kinansela ang lisensiya nung drayber ng bus na sinasabing nakatulog habang nagmamaneho kaya naganap ang …tragis na aksidente na iyon na kumitil ng maraming buhay.
Nadamay na rin ang buong kompanya ng bus nang suspendihin ng gobyerno ang operasyon nito na mayroong halos 300 yunit na mga bus kaya mayroon ngayong halos 600 na mga drayber at konduktor kasama ang kanilang pamilya ang magugutom. Naisip kaya ito ng gobyerno?
Pero bakit wala man lang narinig na puna o mga ‘dapat’ gawin ng pamunuan ng SCTEX sa naganap na aksidente na iyon? Wala bang kinalaman sa aksidente ang uri ng serbisyo ng SCTEX?
Sa mga bidyo ay kitang-kita na mahaba ang pila ng mga sasakyan upang magbayad ng toll fee nang araruhin ito ng bus. Kung minsan kahit naka RFID na ay pumipila pa rin ang mga sasakyan kasi hindi agad mabasa ng palpak na ‘camera sensor’.
O, ngayon… ‘hypothetical question’! Kung walang mahabang trapik para magbayad ng toll fee, naganap kaya ang malagim na aksidente na iyon? Kung maganda ang sistema ng SCTEX sa pagbabayad ng toll fee, may pinag-uusapan kaya tayo ngayon?
# # #
Yung aksidente sa NAIA Terminal 1 kung saan namatay ang kaawa-awang bata habang kritikal ang kanyang ina na naghatid lang sa ama ng tahanan na isang OFW, alam nila siguro na ‘drop off area’ lang ang lugar na iyon?
Kung sumunod sa regulasyon na ‘drop off area’, wala sana roon ang bata at ang kanyang nanay. Kung sumunod sana sa regulasyon ay si tatay lang ang naroon sa lugar ng aksidente, ligtas sana ang kanyang mag-ina.
***
Para sa komento o suhestiyon: eksperto1971@gmail.com