Advertisers
MATATAPOS ang halalan sa Mayo 12. Magdiwang ang mga mananalo at lupaypay ang mga matatalo sa halalan. Kahit anuman ang kahihinatnan ng halalan, tuloy ang impeachment trial ni Misfit Sara pagkatapos ng halalan. Obligado ang Senado na litisin si Misfit Sara.
Buhay na iniharap ng Articles of Impeachment na naunang iniharap laban sa kanya ng Camara de Representantes. Hindi ito maaaring talikuran ng Senado dahil inobliga ang Senado sa ilalim ng Saligang Batas na haharapin ito. Maaaring antalahin, ngunit hindi ito matatalikuran.
Nauna na itong nabalam ng isumite ng Camara ang Articles of Impeachment noong ika-5 ng Pebrero. Palusot ni Tricky Tsis na hindi ito natalakay ng Senado dahil nasa recess ang Kongreso at may haharaping halalan sa Mayo 12.
Hindi sumagot ang Korte Suprema sa mga magkasalungat na petisyon hinggil sa impeachment ni Misfit Sara. May humingi na ituloy ito kahit recess ang Kongreso. Humingi ang isang petisyon sa pagpapaliban ito. Sinabi ng kampo nig Misfit Sara na isantabi ito dahil a kawalan ng poder ng Senado na dinggin ito. Hindi namin ganap na naunawaan ang katwiran ng petisyon niya.
Nabalam ang proseso ayon sa nais ni Tricky Tsis. Hindi ibig sabihin, natapos na ito. Kailangan talakayin ito ng Senado ng ayon sa probisyon ng Konstitusyon. Kailangan ang liderato ni Trisky Tsis bilang pangulo ng Senado.
May inilabas si Tricky Tsis na iskedyul ng impeachment trial ni Misfit Sara. Sa ika-2 ng Hunyo, o sa muling pagbubukas ng regular session ng Senado, itinakda ang presentasyon ng Articles of Impeachment na naunang isinumite ng Camara sa Senado. Itinakda ang pag-apruba ng Rules of Procedure on Impeachment Trials.
Mahalaga ang Rules of Procedures dahil taglay nito ang mga alituntunin na susundin ng Senado sa paglilitis kay Misfit Sara. Hindi natin alam kung ano ang mga ito. Hindi pa malinaw kung ano ang mga pamantayan ang susundin ng Senado sa paglilitis.
Nakakapagtaka na ang lumang Senado ang magtatakda na mga tuntunin na susundin ng bagong Senado. Iba ang mga kasaping senador sa pulong sa ika-2 ng Hunyo sa mga senador na uupo bilang hukom sa sandaling maging impeachment court ang Senado sa ika-30 ng Hulyo. Makikita ang kagaguhan ng bunga ng pagbalam ni Tricky Tsis sa proseso ng impeachment. May masisilip na kakaibang pakay na kampihan ni Tricky Tsis si Misfit Sara.
Nakakagulat na itinakda ni Tricky Tsis sa susunod na araw, ika-3 ng Hunyo, ang pulong ng Senado bilang impeachment court upang harapin ang Articles of Impeachment laban kay Misfit Sara. Nakatakda rin sa araw na ito ang panunumpa ng mga senador na kabilang sa Senado bilang impeachment court. Tandaan na mawawala sa bagong Senado ang mga senador na tulad ni Grace Poe, Cynthia Villar, at iba pa dahil matatapos ang kanilang termino. Papalitan sila ng mga bagong senador na mahahalal sa Mayo 12.
Itinakda ni Tricky Tsis sa ika-4 ng Hunyo ang pag-iisyu ng summons sa mga nilalang na may kaugnayan o sangkot sa impeachment laban kay Misfit Sara. Kasama sa kanila ang mga saksi at iba pang nilalang na may kinalaman sa mga paratang kay Misfit Sara. Kailangan manmanan si Tricky Tsis sa listahan ng mga aanyayahan. Maaaring imbitahin ang mga walang kinalaman at kaugnayan o maalis sa talaan ng mga inimbitahan ang may kinalaman. Maaaring magkaroon ng kalokohan sa talaan. Hindi natin alam ang plano ni Tricky Tsis. Siya lang ang may alam.
Itinakda si Tricky Tsis mula ika-14 hanggang 24 ng Hunyo ang pagtanggap ng mga pleading, o mga pahayag mula sa magkasalungat na panig sa impeachment trial. Sa ika-24 at 25 ng Hunyo naman ang pre-trial proceedings. Kukumpirmahin ang sakdal laban kay Misfit Sara at maski ang gagamitin na alituntunin sa paglilitis sa kanya.
Kailangan matyagan kung ano ang mga detalye ng prosesong ito dahil ang mga ito ang magdidikta kung paano tatakbo ang paglilitis kay Misfit Sara. Kailangan masinsinang silipin ang hidden agenda ni Tsiky Tsis dahil hindi siya mangingiming gamitin ang kanyang poder upang mangibabaw siya at isulong ang sarili bilang kandidatong pampanguluhan sa 2028.
Hindi pa tapos ito. Magbubukas ang ika-20 Kongreso sa ika-28 ng Hulyo. Ibabahagi ni BBM ang kanyang SONA. Kinabukasan, magkakaroon ng magkahiwalay na plenary session ang dalawang sangay ng Kongreso. May posibilidad na maghalal sila ng panibagong lider o panatilihin sina Tricky Tsis at Martin Romualdez.
Mag-uumpisa sa ika-30 ng Hulyo ang impeachment trial ni Misfit Sara. Bubuksan ang Senado sa ganap na ika–9 ng umaga at maaaring tumagal ito hanggang ika-5 ng hapon. Ibang Senado na ito. Tingnan natin kung paano pamumunuan ito ni Tricky Tsis. Hindi namin siya kilala bilang patas at makatarungan na mambabatas. Mas kilala namin siya bilang tuso at may kinikilingan na mambabatas.