Advertisers

Advertisers

Bong Go nanguna sa Pulso ng Pilipino survey

0 5

Advertisers

Lubos na nagpasalamat si Senator Christopher “Bong” Go sa sambayanang Pilipino matapos muling manguna sa pinakahuling nationwide survey ng Pulso ng Pilipino na isinagawa mula Abril 28 hanggang Mayo 3, 2025.

Nakakuha si Go ng 59 porsiyentong suporta sa respondents o dalawang puntos na pagtaas mula sa dating 57 porsyento sa nakaraang survey noong Abril 11 hanggang 15.

Siya rin ang nananatiling top choice para senador sa naitalang 100 percent awareness rating.



“Lubos po ang aking pasasalamat sa patuloy na tiwala at suporta ninyo aking mga kababayan,” ani Go.

“Hindi ko po ito sasayangin. Magseserbisyo ako sa abot ng aking makakaya at patuloy kong ipaglalaban ang inyong kapakanan at ang interes ng bayan.”

Muling pinagtibay ni Go ang kanyang determinasyong ituloy ang mga patakaran na maglalapit ng mahahalagang serbisyo ng gobyerno sa mga mamamayan—lalo na sa mga nangangailangan.

“Ipagpapatuloy ko ang pagsusulong ng mga batas at programang makapaglalapit ng serbisyo sa mga tao, lalo na po sa mga kababayan nating walang ibang maaasahan kundi ang tulong mula sa pamahalaan,” sabi ni Go.

Binigyang-diin ni Go na nananatiling prayoridad niya ang pagtulong sa mga mahihirap na Pilipino, lalo sa pag-access sa abot-kayang pangangalagang pangkalusugan at iba pang pangunahing serbisyo.



“Dapat po nating gawing mas abot-kamay ang tulong-medikal at mga serbisyong pampubliko para sa mahihirap,” paliwanag niya.

“Palagi ko pong uunahin ang mga panukalang tunay na makatutulong sa mga nangangailangan.”

Kaugnay nito’y nanawagan si Go sa mga Pilipino ng suporta sa senatorial slate ng DuterTEN. Ani Go, ang kanilang tagumpay ay isasalin sa mas malaking suporta para sa mga programang nakatuon sa grassroots. “Suportahan natin ang buong Duter-TEN team. Ang kapanalunan nila ay kapanalunan din ng bawat Pilipino,” sabi ng senador.

Bukod sa Pulso ng Pilipino poll, nangunguna rin si Go sa iba pang pangunahing survey.

Sa nationwide survey ng Pulse Asia mula Abril 20 hanggang 24, 2025, nasambot niya ang 62.2 porsiyentong suporta ng botante, gayundin sa Arkipelago Analytics na isinagawa noong Abril 26 hanggang Mayo 1 kung saan ay naitala niya ang 63 porsiyento kagustuhan sa kanya ng respondents.