Advertisers
MANDALUYONG CITY — Kung gusto natin ng pagbabago at maayos na gobyerno, huwag na huwag iboto ang tamad at magnanakaw!
Ito ang mensahe ng mga administration-backed senatorial slate ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas, Biyernes, Mayo 9, sa isinagawang press conference ng koalisyon ilang araw bago ang midterm elections sa Mayo 12, Lunes.
Sinabi ni former Senator Panfilo “Ping” Lacson na dapat tandaan ng mga botante ang apat na uri ng kandidato sa araw ng eleksiyon.
“Ito palagi ko ring sinasabi madalas ano, maski sa mga flag raising ceremonies ,’yong apat na uri ng kandidato na pagpipilian natin. ‘Yong una, ‘yon iyung magtatrabaho at hindi magnanakaw. Pangalawa, nagtatrabaho, masipag magtrabaho pero magnanakaw naman. ‘Yong pangatlo, ‘yong tamad na nga, ayaw magtrabaho, pero hindi rin naman magnanakaw. At ‘yong pang-apat, ‘yong tamad na nga at hindi magtatrabaho, magnanakaw pa,” paliwanag ni Lacson.
“So kayo na ang bahala mamili kung sino ‘yong dapat piliin by now alam ninyo naman siguro ‘yong mga track record ng mga tumatakbo. So doon na lang kapag pipili sana ‘yon ang ating maging batayan. ‘Yong mga lebel na mayroong mababaw, mas mababaw ang kaligayahan, mayroong mataas ang panuntunan, ‘yong standard, mayroon namang walang standard ay bahala na sila.”
Giit naman ni dating Senate President Vicente “Tito” Sotto III, maging basehan dapat ng mga botante ang track record ng mga kandidato sa pagpili ng iluluklok sa gobyerno.
“Kung botante ka iisipin mo tama ‘yong sinasabi ni Senator Lacson. Then, that means you look at the track record. Track record. Kung walang track record ‘yon ang problema. So, kilala mo ba? Natuwa ako noong isang araw, sinabi ni Joey De Leon na sabi niya, ang iboboto ko ‘yong maraming nagawa na mabuti sa bansa. ‘Yong iboboto ko ‘yong alam ang kanyang trabaho, at alam ang kanyang gagawin. At higit sa lahat, ‘yong matagal ko nang kakilala. ‘Yon sabi niya. Kami matagal ninyo na kaming kakilala,” wika ni Sotto.
Paalala naman ni ACT-CIS Representative at former Social Welfare Secretary Erwin Tulfo sa mga botante, pumili ng kandidato na hindi puro kwento na wala namang kwenta.
“Tignan pong mabuti, marami po kasi diyan, banat nang banat, salita nang salita, kwento nang kwento, wala namang kwenta. Tignan po natin kung may track record ba? Kami naman po sa ‘Alyansa’ makikita naman po ninyo, lahat naman po kami, sabi nga, may naging senador na, may naging congressman, may naging secretary sa executive department. Ibig sabihin, dumaan na sa public service. So nakikita ninyo naman siguro, ‘di naman ‘to talaga tayo mapapahiya dahil marami namang pong ginawa lahat po kami sa ‘Alyansa’, may nagawa na, kaya nga sinasabi natin, tignan mo na lang sa track record niya,” diin ni Tulfo.
Bukod kina Lacson, Sotto at Tulfo, bahagi rin ng senatorial slate na ineendorso mismo ni President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sina former Interior Secretary Benhur Abalos, Makati City Mayor Abby Binay, Senator Ramon Bong Revilla, Senator Pia Cayetano, Senator Lito Lapid, former Senator Manny Pacquiao, Senate Majority Leader Francis “Tol” Tolentino at si Deputy Speaker Camille Villar.