GOV. GADIANO, UMAMIN NA, GOV. DOLOR HINDI PA? INAMIN ANG PAG-APRUBA NG “DREDGING OPERATION” NG PRIBADONG KOMPANIYA
Advertisers
INAMIN ni Occidental Mindoro Governor Eduardo Gadiano na siya mismo ang nag-apruba ng operasyon ng dredging ng Bluemax Tradelink Inc. sa baybaying-dagat ng Rizal at Mamburao.
Iginiit ni Gadiano na may awtoridad siyang gawin ito batay sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) Administrative Order No. 2020-12.
Sa ilalim ng nasabing kautusan, binuo ang isang inter-agency task force na kinabibilangan ng director ng DENR, Department of Public Works and Highway (DPWH), Mines and Geosciences Bureau (MGB) at Environmental Management Bureau (EMB) kung saan ang gobernador ang tumatayong chairperson at maaaring mag-isyu ng permit.
Ang pag-amin ni Gadiano ay kasunod ng isang trahedya noong April 15, 2025 makaraang tumaob ang isang dredging vessel na pag-aari ng Bluemax sa bayan ng Rizal, na nagresulta sa pagkamatay ng siyam na tripulante, kabilang ang ilang Chinese nationals.
Kasabay nito, inanunsyo ng pamahalaan ang malawakang imbestigasyon sa lahat ng dredging operations sa buong bansa.
Nabatid na nababahala ang gobyerno sa mga ulat na posibleng ginagamit sa mga proyekto ng China sa West Philippine Sea ang mga materyales lalo na ang buhangin na kinukuha mula sa karagatan ng Pilipinas.
Kasalukuyan nang iniimbestigahan ang timing ng insidente sa Occidental Mindoro at ang pag-amin ni Gadiano, upang matukoy kung ang mga lokal na permit ay ginagamit sa pabor sa interes ng iba.
***
Nakarating na rin kay Pangulong Ferdinand Macos Jr., ang mga ulat na paghahakot ng buhangin sa mga coastal areas ng bansa at itinatambak sa reclamation activities sa West Philippine Sea (WPS).
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, dahil dito ay ipinag-utos ng pangulo ang pagsasagawa ng malalimang imbestigasyon sa isyu.
Posible rin aniyang maibestigahan dito ang mga lokal na pamahalaaan na apektado ng mga hinahakot na buhangin o illegal quarrying operations o black sand mining.
Giit ni Castro, oras na matukoy na may pananagutan ang mga LGU na sangkot ay hindi sila mag-aatubiling ipatupad ang batas.
Hindi rin aniya magdadalawang isip si Pangulong Marcos na magbaba ng kautusan tungkol dito oras na makarating sa Palasyo ang resulta ng imbestigasyon.
***
Samantala, inalmahan ng mga residenteng naninirahan sa baybaying karagatan ng Balete, Oriental Mindoro ang pagkasira ng kanilang kapaligiran at karagatan, na naka-aapekto na sa kanilang kabuhayan dahil sa hinihinalang “black sand mining” sa kanilang mga lugar.
Ayon sa mga residente, unti-unti nang nagkaroon ng pangpang sa pagbagsak ng lupa ang kanilang baybayin dulot ng black sand mining.
Batay sa impormasyon, isusunod ng minahin ang buhangin ng Subaang River at Alag, Longos River, Bucayao Silonay River, Mag-asawang Tubig River, Bansud River, Bongabong River, Pola River, Naujan River, San Teodoro River, Baco River, at Sumagui River sa Oriental Mindoro.
Nabatid na pinahihintulutan diumano ni Governor Humerlito “Bonz’ Dolor ang Southern Concrete Industries Inc. na pag-aari ng China Harbour Engineering Company na suportado ng permiso ng Mines Geoscience Bureau – Department of Environment and Natural Resources (DENR-MGB), ang river restoration through “dredging activities” na nagbibigay-daan sa dalawang kumpanya na kumuha diumano ng 38.5 milyong metro kubiko ng buhangin (materyal) sa mga kailogan (karagatan) ng Oriental Mindoro na bibilhin diumano ng San Miguel Aerocity, Inc., para sa itinatayong 318-ektaryang Manila Water Front Reclamation Project sa Manila Bay, 2,500-ektaryang New Manila International Airport Reclamation Project sa Bulacan at China Reclamation Project sa West Philippine Sea.
Gusto kulang ipaalala kina Gov. Dolor at Gov Gadiano na magkaiba ang SEA at RIVER, Intende!
May kasunod pa!
***
Kung may tanong, suhestiyon o komento ’wag mag-atubiling tumawag o mag-text sa numerong 0939-7177977 at 0936-8625001 o di kaya mag-email banderapilipino@yahoo.com/balyador69@gmail.com