Advertisers

Advertisers

TRABAHO Partylist, umapela sa dagdag na Digital Services Tax para sa freelancers

0 1,221

Advertisers

Umapela ang TRABAHO Partylist, bilang 106 sa balota, sa mga mambabatas na magsulong rin ng mga proteksyon, insentibo, at institusyonal na suporta sa lumalaking sektor ng freelance workers sa bansa, imbis na pinapatawan sila ng karagdagang buwis na makakaapekto sa mga online gig workers.

Ito ay matapos marepaso ang implementing rules and regulations para sa implementasyon ng Republic Act No. 12023, o ang Value-Added Tax on Digital Services Law.

Ayon kay Atty. Mitchell-David Espiritu, tagapagsalita ng TRABAHO Partylist, kinakailangan ang agarang pagpapatupad ng mga patakarang kikilala sa mahalagang kontribusyon ng freelancers, lalo na sa digital at remote work sectors.



“Ang mga freelancers ay nagsusumikap na umuunlad kahit walang pormal na suporta. Sa halip na buwisan ang pinanggagalingan ng kanilang kabuhayan, dapat tayong lumikha ng mga polisiya na magpapalakas at poprotekta sa kanila,” ani Espiritu.

Layunin ng panukalang DST na patawan ng value-added tax ang mga digital services tulad ng online freelance marketplaces, payment processors, at productivity platforms. Ito ay sinalubong ng pagtutol mula sa iba’t ibang grupo mula sa labor at tech sectors.

Maraming freelancers ang umaasa sa mga serbisyo gaya ng Upwork, Fiverr, PayPal, at Google Workspace sa kanilang araw-araw na trabaho. Nabahala ang ilan na posibleng tumaas ang singil sa serbisyo o kaya’y malimitahan ang kanilang access sa mga ito dahil sa bagong buwis.

Sa panayam ng TRABAHO kay EJ Gonzales na isang freelance artist sa isang digital platform at sumiside-line rin bilang host at performer, nilitanya nito ang kawalan ng kasiguraduhan at kawalan ng awtoridad na mapagsusumbungan sa mga katiwalian sa kontrata para sa mga digital service provider na gaya niya, maliban pa sa kawalan ng mga benepisyo.

“Parang wala akong alam na may available for us. Kaya minsan nakakainggit actually yung mga nagtatrabaho sa corporate. Meron silang HMO, allowance, secured na kinikita every month. Wala kaming mga ganon na benefits,” pagbabahagi ni Gonzales.



Sa kabila nito, kinakaharap pa rin ng mga freelancers ang kawalan ng job security, access sa benepisyo, at proteksyon laban sa mapang-abusong kliyente. Marami ang nagtatrabaho nang walang kontrata, na nagdudulot ng problema tulad ng delayed payments at kakulangan ng legal recourse.

“Dapat nating i-formalize at suportahan ang sektor na ito,” dagdag ni Espiritu. “Kasama na rito ang abot-kayang internet, tax incentives para sa online workers, proteksyon laban sa abuso mula sa mga platform, at pagsasama sa mga programang pangkalusugan at pensyon.”

Babala ng TRABAHO Partylist, ang pagpapatupad ng DST ay hindi lamang magpapalaki sa gastusin ng mga freelancers, kundi maaaring magtulak sa mga Pilipino na lumipat sa ibang paraan ng kabuhayan o lumayo sa digital gig economy.