Advertisers
Mensahe ng pasasalamat at pag-asa para sa sambayanang Pilipino ang ipinarating ng mga kandidato ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas, ang senatorial slate na suportado ni President Ferdinand R. Marcos Jr., sa pagtatapos ng kanilang campaign period ilang araw bago ang midterm polls sa Lunes, Mayo 12.
Nagpasalamat si ‘Alyansa’ campaign manager at Navotas Rep. Toby Tiangco sa mga Pilipino, campaign volunteers, local leaders at mga miyembro ng media na sumuporta at naghatid ng balita sa simula pa lang ng pangangampanya ng koalisyon.
“Sa pagtatapos ng makasaysayang campaign period na ito ay gusto kong pasalamatan ang lahat sa journey na ito. Sa lahat ng volunteers, local leaders, supporters, at sa ating mga kababayan na mainit na tumanggap sa amin sa bawat sulok ng bansa, maraming salamat po,” wika ni Cong. Toby.
Pinasalamatan din ni Tiangco ang mga miyembro ng media na walang pagod na kinober ang buong campaign period ng ‘Alyansa’.
“Nagpapasalamat din po kami sa mga miyembro ng media sa inyong walang pagod na pag-cover at patas na pagbabalita. Malaki ang naging tulong ninyo para maiparating ang mensahe ng ‘Alyansa’ sa milyon-milyong Pilipino. Hindi magiging ganito kalawak ang abot ng kampanyang ito kung wala kayo,” sabi nito.
Ayon pa kay Tiangco, sumentro ang pangangampanya ng ‘Alyansa’ sa accountability, competence at pagpaprayoridad sa mga Pilipino, na nakalinya naman sa bisyon ni Pangulong Marcos na “Bagong Pilipinas”.
“Naniniwala po kami na nakabuo tayo ng isang bagay na matibay at totoo. Umaasa po kami na sa Mayo 12, magluluklok ang mga Pilipino ng isang Senado na tutulong kay Presidente Marcos na maideliber ang pangako nito sa taumbayan at maisulong pa ang Pilipinas sa kaunlaran,” giit ni Tiangco.
“Maraming salamat po muli sa ngalan ng buong Alyansa Para sa Bagong Pilipinas. Ang inyong tiwala ang aming lakas. Sama-sama po tayong maglingkod sa bayan. Mabuhay ang ating mahal na Pilipinas!”
Nagsagawa ang ‘Alyansa’ ng Miting de Avance noong Biyernes, Mayo 9, sa Mandaluyong City, kung saan nag-deliver ng kanyang pinal na mensahe ng pagsuporta sa koalisyon si Pangulong Marcos.
Kabilang sa ‘Alyansa’ slate sina dating Interior Sec. Benhur Abalos, Makati City Mayor Abby Binay, Sen. Ramon Bong Revilla, Sen. Pia Cayetano, dating Sen. Panfilo “Ping” Lacson, Sen. Lito Lapid, dating Sen. Manny Pacquiao, dating Senate President Vicente “Tito” Sotto III, Senate Majority Leader Francis “Tol” Tolentino, dating Social Welfare Sec. at ACT-CIS Rep. Erwin Tulfo, at si Deputy Speaker Camille Villar.