Advertisers
MATAGUMPAY ang pagdaraos ng ika-7 Art Exhibition ni chess enthusiast/ alagad ng sining Jeff Bugayong na ginanap sa DG Contemporary, Okada, Maynila nitong nakaraang Miyerkules, Mayo 7, 2025.
Pinangunahan ni 13-time Philippine Open Champion Grandmaster Rogelio “Joey” Antonio Jr. ang pagbubukas ng nasabing Art Exhibition na layuning makatulong sa mga lokal na pintor na maibahagi ang kanilang mga gawa na sining at mahubog ang mga kabataang pintor sa murang edad.
“Pangarap ko din na maging magaling na pintor ng bata pa ako,” sabi ni Antonio, na undergraduate sa University of Manila sa kursong civil engineering.
Nagpakita din ng kanila-kanilang obra maestra o gawa na sining ang mga kabataang pintor na sina A Bugayong, Renier Gerald D.Bornay, BC Bugayong, D Bugayong at Winter Esteban.
‘Nagpapasalamat po ako kay Grandmaster Rogelio “Joey” Antonio Jr. sa pag suporta sa ika-7 Art Exhibition po natin sa paglaan ng oras na mapasinayaan ang nasabing okasyon,” sabi ng nakatatandang Bugayong na tagasuporta ng chess ni GM Antonio.
Target ni Antonio na makopo ang word title sa pagsulong ng FIDE World Seniors Chess Championships mula Oktubre 20 hanggang Nobyembre 2, 2025, sa Gallipoli, Puglia, Italy.
Tumapos ng runner-up honors si Antonio sa 50-and-above division sa 27th World Seniors Chess Championship na ginanap sa Acqui Terme, Italy noong Nobyembre 2017.
AbaIa si Antonio sa paghahanda sa world senior championships sa paglahok sa Woman FIDE Master Sheerie Joy Lomibao Open Rapid Chess Championships sa Mayo 18, 2025 sa ground floor ng Pavilion Mall, Greenfield District sa Mandaluyong City sa tabi ng MRT Shaw Boulevard station.
Siya ay nakatakdang makipaglaban din sa ASEAN Seniors Chess Championships na gaganapin mula Hulyo 1 hanggang 11, 2025 sa Penang, Malaysia at Asian Dragons Chess Tournament mula Hulyo 16 hanggang 23, 2025 sa Taipei City, Taiwan.
Ang 63 taong gulang na si Antonio ay nagmula sa pagiging runner-up sa Melbourne International Open Rapid Chess Championships na ginanap noong Abril 7 hanggang 9, 2025 sa Melbourne Chess Club sa Melbourne, Australia. Nagdala ng karangalan si Antonio sa Pilipinas nang muli sa pamamagitan ng pagtatapos sa ikaapat na pwesto sa Premier Division ng 2025 O2C Doeberl Cup Chess Championships, Standard competition na ginanap mula Abril 17 hanggang 21 sa Canberra, Australia.-